Monday, November 29, 2010

Kilala nyo ba si T’yo Peto? chapter 6


Sino naman ang bagong mukha sa librong ito? Ano ang kinalaman niya sa seminaryo? Nagaatend ba ng flag ceremony ang mga langgam? Kung hindi, bakit lagi silang pila-pila? At kung oo, bakit naglalakad sila? Ito ba ang uri ng pagrespeto nila sa kanilang pangkwebang watawat? Hindi ko alam kung paano napad-pad sa seminaryo itong si t’yo Peto, isang araw na lamang ng magsimula ang aming pang-umagang pagsamba, gumulantang sa akin ang boses na nagkukwento ng kung ano-ano sa aking likuran, akala ko seminarista, paglingon ko, isang lalaking mukhang sisinto-sinto ang aking nakita. Simula ng dumating siya, naging dagdag na siya sa apple of the eye ng lahat (kawawa naman si Mahadera, dedma na siya sa mga boylet niya). Matinding magtrip ang taong ito; habang ang lahat ay nasa yugto na ng kaseryosohan at pagninilay, isang tawang pamatay ang kanyang ipapamalas at sigurado, sabog ang mundo ng mga nasa simbahan. Pati ang rector napapakamot ulo, cool diba? Kung minsan naman tahimik din ang taong ito, nagninilay din o nagseseryoso, kahit ano pa man, basta ang mahalaga tahimik siya, walang buraot, walang sanhi ng tawanan sa misa. Kung minsan naman, hindi mo mapigilan ang trip ng taong ito, magsasalita kung kailan niya gusto, o tatawa kung hindi na matiis ang katahimikang hindi niya nakasanayan. Nasasaway naman si t’yo Peto, ang problema lang, kailangang uulit-ilitin mo; magsawa ka o hindi, ang mahalaga masaya siya; malamang nasa isip niya “huwag kang basag trip, mag-isip ka ng sa iyo”. Madalas siyang naattend ng worship service namin, kung kasama nga siya sa attendance namin, baka mas marami pang present ang taong ito kesa sa ibang mga seminaristang tulad ko. Sa pagaatend ng bawat service, isa ang pinaka-favorite niya, ung misa. Kasi nagagawa niya ang kanyang pamatay na pausing. Kapag kami ay napila na para magkomunyon, pipila na rin si t’yo Peto, with matching dance pa nga. Pipila siya, nag-aantay ng tamang pagkakataon para bimira…. Ayan na, malapit na siyang bigyan ng komunyon…. Oras na niya… at kabum! pagkatapos tumanggap ng komunyon, tumalikod, sabay pagpapamalas ng kanyang  killer pause na ala Villar na nakahugis check ang daliri at nakalagay sa mukha, pang Mr. pogi ang dating, seryoso ang tirada, may beautiful eyes pa parang batang inuto para kumanta, inggit ang mga seminarista, lalo na si Felixa, sabay balik sa upuan. Sa ganito’t-ganito man, Masaya kaming naririto siya, parang naging ampunan na nga ng may mga problema sa pag-iisip ang seminaryong ito. Nanjan si Mayumi ang suki ni mommy Fe at Fr. Nixon sa barya, na kahit may klase ay sige pa rin ang hinge. Ang anak niyang si Gale at si t’yo Peto nga na binibigyan namin ng pagkain pagkatapos ng simba. Masaya kami kahit na sabihin ng iba na may saltik sa ulo ang taong ito, ang mahalaga sa amin ay nakikilala niya ang Diyos, kahit na sabihin pang madalas mag trip sa simbahan ang taong ito, ang mahalaga, inilalaan niya sa Diyos ang panibagong umaga na ipinagkaloob Nito sa kanya. Ikaw, ako, tayo? Kailan ba natin nakilala ang Diyos? Kailan ba tayo nagsilbi sa kanya? Ano at sino ba ang mukha ng Diyos? Kailan ba siya kumatok sa atin at ating pinagbuksan? Kailan ba tayo nagkaloob ng tubig sa mga nauuhaw? Kailan ba tayo nagbigay ng maisusuot sa mga wala nito? Kailan ba tayo nagbigay ng pagkalinga sa mga may sakit? Kailan ba tayo nagkaloob ng pagkain sa mga nagugutom? Kailan ba tayo nagpahalaga sa kapwa natin? Sa kapwa natin na naglalarawan ng mukha ni Kristo. Sana isa tayo sa mga taong nagbibigay ng ngiti sa Kanyang mukha, hindi ang nagpapataw ng panibagong koronang tinik sa Kanya. Sana isa tayo sa umaalalay sa Kanya, at hindi nagbibigay sakit sa Kanya. Sana maisip mo ito, at hindi manatiling sulat kamay ng taong may pasimuno nito. “Ang mga nakasulat dito ay walang katuturan. Dahil nasasaiyo ang pagbibigay dito ng kabuluhan. Ang bawat kataga dito ay walang halaga, dahil hindi ito makalilikha ng mga bagay na kaya mong magawa. Ikaw ang hangganan, ikaw ang sukdulan, ikaw ang magaakda ng kapalaran. Isa lang ang tanong ko, may konsensya ka ba?

No comments:

Post a Comment