Sunday, January 30, 2011

Definition of terms

Susubukan na naming sagutin ang mga tanong namin na nagpagulo sa inyong buhay. Kaso base lang ito sa IQ level namin.
Chapter 1
Anong madalas problemahin ng mga seminarista?
·       Nasabi na sa kwento
May problema din pala sa seminaryo?
·       Natural mga tao din kaya kami
Bakit makulit ang lamok?
·       Mas maganda kung siya na lang ang tatanungin mo tungkol jan. pero malamang ang tanging isasagot niya sa’yo ay: nnnnnggggiiiii..nnngggiii..!!
Chaper 3
Sino nga ba si Paeng Gulgulangot?
·       Sikreto, kapag sinabi ko wala na kayong idolo
Bakit tinawag na milk fish ang bangus?Nagagatasan ba ito?
·       Hindi ko rin alam eh, wala akong ediya sa tanong
Bakit ginawa nilang katawatawa ang pangalan ng bangus?
·       Huwag mo na itanong malulungkot ka lang
Chapter 4
Alam mo ba kung ilang beses mangaanak si dada sa isang taon?
·       Sa palagay ko mga dalawa. Si dada pala ay aso dito sa seminaryo
Chapter 6
Nagaatend ba ng flag ceremony ang mga langgam?
·       Sa palagay ko…..itanong mo na lang sa nakakaalam.
Kung hindi, bakit lagi silang pila-pila?
·       Kasi kapag wala sa pila walang rasyon
At kung oo, bakit naglalakad sila?
·       Kasi walang kakain kapag tatamad-tamad
Ito ba ang uri ng pagrespeto nila sa kanilang pangkwebang watawat?
·       Hindi siguro, kasi nung nakagat ako ng tanggam at giniba ko ang kwebang tirahan nila, wala namang watawat.
Chapter 8

Ilang isang libong piso papel kaya ang pagsasama-samahin mo para matakpan mo ang buong pilipinas?
·       Hindi ko alam eh, kasi sabi nung nagpauso, kahit ung tita niyang doctor ng matematika ay hindi nacompute ito. Tsaka ayoko ng Math.
Ilang bond paper kaya ang pagpapatung-patungin upang umabot sa araw?
·       Sabi ng nagpauso nito, pulbos na daw ang bond paper bago pa umabot sa araw.
Sino naman kaya ang nagpauso ng tanong na ito?
·       Ung guro namin sa Christian Education. Bawal magsabi ng pangalan, clue: Deacon siya.
Chapter 9
Natutulog din ba ang mga lamok?
·       Hindi ko nga mahanap ung base nila eh, alamin pa kaya kung paano sila matulog. Pero baka katulad din sila ng tao, nakapikit.
Kung oo, panong posisyon?
·       Hayaan mo, sasabihin ko kung madiskumre ko ang lungga nila.
At paano nga ba papatayin ang lamok?Hahaplitin mo ba siya? Kasi kung hahaplitin mo, maaaring bumaon lalo ung tubong pinangsisip-sip niya ng dugo, at maaaring maging dahilan ng paglabas ng tren ng mga kinain mo?
·       Paluin mo sa ibaba kung nasa taas siya, para lumabas ang tubo, ligtas kana.
Ckapter 10
Kung ang mga hayop sa panahon natin ay nagmula sa lipi ng mga dinosaur , anong lahi kaya ng dinosaur ang pinagmulan ng ipis?
·       Hindi ko alam eh, subukan mo na lang itanong sa kaibigan mong scientist.
May giant ipis kaya noon? Ano naman kaya ang posibleng pangalan ng dinosaur na giant ipis?
·       Sa palagay ko, meron, kaso papayag ka ba kung sabihin kong sa tao nagmula ang ipis? Gianticum ipisum.
Chapter 11
Ano kaya ang gagawin ng aso kapag kinukulit siya ng pasaway na lamok?
·       kakagatin niya, seryoso ako, kasi nakita ko, ito ung ginawa ni brother, ung aso dito sa seminaryo. Tawa nga ako ng tawa eh, kala mong makakagat niya.
Chapter 12
Sa palagay mo, paano matulog ang isda?
·       Malamang nakapikit din ito
Saan nakatira ang nomads?
·       Ewan ko ba kay T’yo Pot kung sino ang Nomads, natutunan nya ito sa teacher niya sa Old Testament, bigyan ba ako ng sakit ng ulo?
Gusto mo bang maging isa sa kanila?
·       Sa palagay ko, ikaw na lang, sama mo si T’yo Pot
Chapter 13
Ikaw na ang bahalang sumagot niyan.hahahaha!!!!
Chapter 14
Bakit hindi pinapapasok ang elepante sa eskwelahan?
·       No ID No Entry kasi
Paano nalaman ni Voltes V na robot siya?
·       Kasi noong umihi siya, imbis na tubig, langis ang lumabas.

Dito na ba ito magtatapos? chapter 14

Ang buhay ay parang LIFE
L- “loaded” ng experiences na kakatawa,   kakaiba, kakainis, kakalungkot, kakabwisit at kuano-ano pang kaka.
I- may mga “incident” na susubok sa iyong katatagan, pero isa lang ang mahalaga. Maging matatag ka, at magtiwala ka kay God
F-  “Fear”. Isa lang ang masasabi ko, don’t be afraid, there is no sugar. Haha!!
E- “Entrust” mo and buo mong sarili sa Diyos.
                                                                     Bro. Ramoncito Tadepa

Paano ba yan, dito na natatapos ang aking pagkukwento, pero bago ko ibigay ang huli kong pananalita, magtatanong muna ako. Bakit hindi pinapapasok ang elepante sa eskwelahan? Kung sasabihin mong No pet’s aloud, wala kayang ganung policy sa iskwelahan. At paano nalaman ni Voltes V na robot siya? Sana nakilala ninyo ang seminaryo sa pamamagitan ng maikling pagsasalarawan ko dito. At sana nakilala rin ninyo ang Pilipinas at ang mga tulad ninyong pango at kayumanggi. Sana nakakakita na din kayo, sana nakikilala na ninyo kung sino ang mga nangangailangan sa inyo. Alam kong nakikita na ninyo sila ngayon dahil may kapirasong parte na sila sa utak mo ng mabasa mo ang librong ito, nasasaiyo na lamang kung titignan mo lamang ba sila o kikilos ka para sa kanila. Sana mapansin mo na rin sila, sana hindi ka na katulad namin noon na ang kaya lang tignan ay yung mga bagay at taong makapagpapaginhawa ng aming buhay, hindi ang mga taong dapat naming bigyan ng kaginhawaan ang buhay. Ang aklat na ito ay isinulat hindi lamang para usigin ang kosensya ng bawat makakabasa, dahil nasasainyo pa rin naman ang pagpapasya sa iyong buhay, pero yun ang panawagan ng librong ito. Isinulat din ang librong ito para magsilbing paala-ala sa mga taong gumawa nito. Pagpapaalaala, na ang prinsipyong ito ay minsan naming pinanghawakan, at hindi kami dapat malayo dito. Alam naming darating ang panahon at malilimutan din namin ang mga ediyang naririto kung ito ay hindi naming naisulat, at darating ang panahon, magiging isa na din kami sa mga taong nagbalak ngunit hindi tumapos. Magiging isa na rin kami sa mga taong nilulumot na sa pagaantay ng babago sa kanilang buhay, at hindi naghangad na magbago ng buhay ng iba. Ginawa namin ang librong ito upang maiwasan ang trahedyang nabanggit, ginawa namin ito upang hindi usigin ang aming konsensya sakaling dumating ang araw, na ang anak naman namin ang magtatangkang bumago sa Pilipinas, dahil hindi namin ito nagawa, at wala na kaming ginawa para dito. Hindi din namin matatanggap na dumating ang panahon na mas lumala pa ang mga mukhang dumudurog ng aming mga puso sa panahong ito. Ang aklat na ito ang magpapaalala sa amin na mayroong isang 20 taong gulang na lalaking nag-aaral sa Aglipay Central Theological Seminary, na nandamay pa ng isang kadiocese niyang 18 taong gulang na gumawa ng librong may kakaibang pananaw, daig pang mga super hero kung mag-isip at maghangad ng pagbabago. Libre lang naman ang mangarap eh, pero ang mas maganda kung nangarap ka at kumilos ka para sa katuparan nito. Bagay na siguradong hindi mo pagsisisihan sakaling hindi mo man naisakatuparan. Hindi mahalaga sa amin kung hindi namin mabago ang Pilipinas ngayon, ang mahalaga, may mabagong kaisipan ang librong ito, at kung mangyari iyon, masasabi naming tagumpay pa rin kami. Hindi man namin nabago ang Pilipinas, panatag ang aming kaluluwa na aalis, dala ang aming lapidang may R.I.P. dahil may susunod sa adhikain namin nila Paeng Gulgulangot, akong si Arman Pingas, at T’yo Pot at ng iba pang mga Pilipinong naghahangad din ng pagbabago. Alam kong walang taong manhid, dahil may puso ka at nagtataglay yan ng pag-ibig. Alam kong may konsensya pa ang maraming Pilipino, alam kong may makikialam pa rin, at dahil dito hindi ako nawawalan ng pag-asa, na wala ng magugutom, mawawalan ng tirahan, maghihirap at mawawalan ng buhay sa bansang Pilipinas.  Hangga’t may naghahangad ng pagbabago, hangga’t may naghahangad ng masaganang buhay na tatamasahin ng lahat, hangga’t may nangangarap para sa iba, buhay ang Pilipinas. Babangon din ang bansang natutulog. Hangga’t may tulad ko, tulad mo, tulad ng iba pang may bukas na mata para sa mga dukha, may bagong umagang naghihintay sa bansa. Pero bakit nga ba ako dapat magpahalaga sa aking kapwa? Naitanong mo ba ito sa iyong sarili habang binabasa mo ang librong ito? Isa lang ang magiging kasagutan ko, Pilipino ka, hangga’t nananalaytay sa ugat mo ang dugong kayumangi, yan ay magiging sapat ng dahilan para mahalin mo ang Pilipinas, at ang mga taong niyayakap ng bansang ito. Akala mo kung sino magsalita ang taong ito, walang bukang bibig kundi pagbabago, ano kaya ang sasabihin mo kung makita mo ang mga sumulat ng librong ito? Maniwala ka pa kaya sa hinahangad nilang pagbabago? Si Arman Pingas ay isang taong hagingan ng hindi grumaduate noong highschool, salamat sa lata ng minola na sumagip sa kanya, latang ginawang basurahan sa eskwelahan ang naging dahilan ng pagpanhik niya sa entablado upang kunin ang kanyang diploma. Maliit, payat, gwapo naman.hahaha!!! pero ako ung mukhang walang maidudulot na pagbabago sa bansa. Taong hindi nangarap yumaman, taong ang hangad lamang ay simpleng buhay, simpleng buhay na hindi naman magdudulot sa kanya ng karangyaan, ngunit hindi din naman magdudulot ng pasakit para sa kanyang bayan. Ang taong handang bumago ng buhay ng ibang tao, ngunit ang sariling buhay ay hindi mabago. Ang taong isinilang na mahirap, at malamang mamamatay ding mahirap. Si T’yo Pot naman ay isang taong nagmula sa may kayang pamilya, nakapag-aral sa isang magandang unibersidad, magaling sa ekademya, mahusay sa eskwela, malupit sa aparato, talagang pang world class ang dating. Lalo tuloy akong nagnais na isangla itong si T’yo Pot, para mairelease ang aklat na ito.hahaha!!! matangkad, payat, gwapo din pero mas gwapo ako. Kahit siya ay isang taong wala ng dapat problemahin sa buhay, pinili niyang sumama sa hangad kong pagbabago, pagbabago na prinoproblema na niya ngayon. Mayaman, ngunit ang puso ay para sa mahirap, uy hindi siya kakandidato. Isip bata kung minsan, mukha ring walang magagawang pagbabago; pero saan nga ba ibinabatay kung may magagawa pagbabago ang isang tao? Ito ba ay sa iyong natapos, itsura, pamumuhay, pananamit at sa kung ano-ano pa mang mga bagay? Para sa akin, ang pagbabago ay nababatay sa iyong pananaw. Pananaw na inaayunan ng iyong mithiin, mithiin na iyong patuloy na gagawin, Gawain na patuloy na magdidikta ng pagbabago sa bansa.


BREAKING NEWS!!!
Nagpakilala na ang may akda ng Mga kwentong Barbero sa Seminaryo, mismo sa kanilang libro. Ikaw na lamang ang bahalang humanap sa kanilang pangalan at kung Makita mo sila, at makilala mo sila, paki sabing gumawa uli sila ng mga walang kwentang libro na tulad nito. Ito po si Mike Henry Omaga Diaz, walang kinikilingan, walang prinoprotektahan, serbisyong totoo lamang, at dahil nagcocofee breack din ang mga taga-pagbalita, narito kami 22 Oras. Darna na po!!!..?!

The End!!...??!


Sinuka kapitan Agriculture? chapter 13

Nag-ooral exam kaya ang mga pipi? Kumokopya din ba ng notes sa blackboard ang mga bulag? At bakit tinawag na black board ang pisara, eh kulay green ito? Hindi ba pwedeng greenboard na lang? Si agriculture ay isa ring seminarista dito, kung bakit siya nabansagang agriculture, un eh dahil sa kanyang angking pagmamalaki nung kami ay nagbubungkal ng lupa, siya daw ay nakapagaral ng agriculture, (para nya na ring sinabi na siya ang dapat manguna sa amin,kung tawagin eh “tiga”. Tiga-utos). Mahusay naman talaga itong si agriculture, hindi ito maipagkakaila. Sa katunayan ito ang line up ng mga achievements niya. Una, siya ay miyembro ng Eagle Scout Organization of the Philippines. Member din siya ng Red Cross Youth Facilitator Organization, astig diba, kaya pala namayat ang taong ito, lagi sigurong nagdodonate ng dugo. At miyembro din siya ng Future Elementary Educator Association. Astig!!! Samahan ng Kabataan sa buong Solano, at siya ay isa sa mga founder nito. Triskelion, wala naman akong alam tungkol dito, pero baka samahan ito ng mga tricycle driver, o kaya ng mga padyak. Biro lang. Demolay member din itong si mokong, astig, may naitutulong pa kaya siya sa bahay nila sa dami ng organisasyong sinalihan niya? O baka batang lagalag na din itong taong ito, na makikita lang sa bahay tuwing kainan. Miyembro din siya ng United Luisita Workers Union, ay este, United Ilocandia Fraternity and Sorrority pala. Siya rin ay kasali sa National Confederation of Ilocano Association at master initiator pa itong si agriculture, maganda un, kasi siguradong walang mamamatay, sa payat ba naman ng katawan niya, sigurado hindi ka makakaramdam ng sakit sa kanyang mga palo. Safe!!! Sangguniang Kabataan member din siya, hindi ko lang alam kung ano ang posisyon niya dito, pero siguradong hindi naman janitor kasi wala namang ganung posisyon sa SK. Siya rin ay kasali sa NVSU Voices and Graces Dance Troupe, hindi ko lang alam kung ano ang sinasayaw nila, pero siguro hindi naman itik-itik kasi magmumukha silang clown kapag ganun, ang ganda ng pangalan nila eh, tapos itik-itik lang ang sasayawin nila. Siya din ay kabahagi sa Anak Sining, ano naman kaya ang mga nalikha niyang sining? Basta, marunong daw siya sa sining, huwag nyo ng tanungin kung anong klaseng sining ang kaya niyang likhain. Ito ang mga nasalihan niyang organisasyon, hindi ko alam kung ano ang mga natapos niyang mga kurso at pag-aaral pero isa lang ang masasabi ko, ito ang dahilan kaya may angkin siyang kayabangan. Hindi naman masama un, ang kailangan lang ay sana nagiging sanhi ito upang paigtingin mo pa ang paglilingkod mo sa tao, hindi upang magpasikat lamang. Sa patuloy kong pagbabasa dito sa mga nasalihan niyang organisasyon, naalala ko tuloy ung mga nakikita ko tuwing nauwi akong seminaryo galling sa Tarlac. Maraming bahay akong nakikita na may nakalagay na: Dra. Petra Kabayo “physician”, Dr. Kwak Kwak “medical doctor”, Dr. Pedro Penduko “Dentist”, Gregorio Magalpok “Civil Engineer” at marami pang iba. Napapaisip tuloy ako, kung may nagawa nga ba ang mga titulo nila sa kanilang pangalan, sa mga batang namamalimos malapit sa may SM Rosales. Kung may nagawa kaya ang mga titulo nila para sa buhay ng mga naghihirap na sambayanang Pilipino, o ito ay nakatulong lamang sa buhay nilang sarili? Nakatulong kaya ang kanilang mga titulo upang bawasan ang sugat ng bansa, o naging dag-dag pa ito sa suliraning hindi maghilom.? Sana nagkakamali lamang ako sa mga iniisip ko. Hindi naman masama ang magkaroon ng titulo at karangalan, lalo na kung gagamitin mo ito bilang uportunidad upang makatulong sa iyong kapwa, at hindi gagamitin upang pagpasasaan ang salaping malilikha ng titulong nakamit. Sana lang maisip ito ng lahat, sana maisip nila na wala ring silbi ang bawat titulo, kung wala namang lupa. Para saan ang titulo? At sino ang lupa? Hindi naman masamang maghangad ng mga bagay-bagay na makabubuti para sa iyong sarili, at hindi masamang mahalin ang sarili, ngunit huwag mo rin sanang kalimutan ang iyong mga kapwang napag-iwanan na ng panahon, mga taong hindi makasabay sa bilis ng ikot ng mundo. Pero ito ay sarili ko lamang na opinion, nasasaiyo pa rin ang pagpapasya sa lahat ng bagay na iyong gagawin. Mahirap na pilitin mo ang isang tao sa bagay na hindi niya gustong gawin, para kang namangka sa malawak na karagatan na hindi nagdala ng sagwan para makabalik. Mahirap talagang mamuhay sa mundo, maraming disisyon na kailangan mong pagdaanan basta ang mahalaga, maging totoo ka sa kahit anong bagay, piliin mo ang mas makabubuti, at makakapagbigay ginhawa sa nakararami.

Ang buhay na saksi ni Paeng Gulgulangot (sambahinnnn!!!!) chapter 12

Sa palagay mo, paano matulog ang isda? Saan nakatira ang nomads? Gusto mo bang maging isa sa kanila? Kilala mo ba ang editor ng librong ito (wag mo nang tangkain tignan sa kober ng libro dahil wala ka talagang makikitang pangalan doon. Magmumukhang tanga ka lang, sabay ngiti, dahil napagtatanto mong nagmukha ka ng tanga.) Paano ito masasagot ng taong wala sa matinong kaisipan na tulad  ni Tiyo Pot Kulubot ang mga tanong ditto sa librong ito?. Hindi nya nga rin akalain, biro mo nakapagsulat siya dito sa walang kwentang libro ni Paeng ng ganun-ganun na lang? (peace Paeng! Sino-sino pa ba ang magkakaintindihan kundi tayo ding mga sinto-sito.hehehe) AMAZING! Isa pala si T’yo Pot sa masugid na tagahanga ni Paeng Gulgulangot. Kulang na lang e magtatag siya ng fans club ni Paeng. Libre ang membership at may benepisyo ka pang matatanggap. Kaso siya pa lang ang humahanga sa kay Paeng e, kaya di na muna siya nagtayo ng fans club (tsaka na lang kapag isa ka na). Si Tiyo Pot ay isang makulit na bata noong kabataan niya. Kaso lagi siyang nag-iisa kasi wala siyang kapatid (ang tipid kasi ng mga magulang ni Tiyo Pot). Kasama siya ni Paeng sa pagbuo ng mga pangarap na yuyurak sa mga seryosong tao dahil sa kakatawa dito sa librong ito. Kahit hectic ang schedule sa seminaryo at nagmistulang tuod na itong si Tiyo Pot dahil sa dami ng ginagawang papers, naisisingit pa din niya na gumawa ng artikulo dito sa librong ito, at ayusin ang mga typographical errors ni Paeng. O di ba! Super hero ngang bansagan ang mga seminarista eh, dahil kahit pagod na ang utak e nakukuha pa din gumawa ng mga bagay na walang kabuluhan sa kanilang pag-aaral, kahit sa SIESTA lang kesa matulog na tulad ng ginagawa ng iba (at tulad din ni T’yo Pot). Naiinis nga tong si T’yo Pot kay Paeng, marika ba naman! nandamay pa, pati siya sinama na mambaliw sa mga tao dito sa seminaryo? Astig talaga to e. Sarap nga bigwasan. Pero Joke lang ‘yon. Magkababata sila ni Paeng. Dati rati laging nag-iisa si Tiyo Pot sa isang sulok parang yung isang tuta ni Dada na solo palo sa pantitrip hanggang sa binasahan ng mga words of wisdom ni Paeng tong si Tiyo Pot  at ayun! hanggang sa napasama na ito bilang isa sa mga mambabaliw sa mga seminarista. Trippings dito, trippings doon. Kung anu-anong pambuburaot ang ginagawa. Minsan nga napagtripan ni Tiyo Pot yung klasmeyt niya, tinaguan niya ito dun sa may pintuan ng refectory, nung papasok na itong kalsmeyt niya ay ginulat niya. Ayun, presto bumalentong ang sikmura ng kanyang kaklase sa takot. O di ba? Ang taas ng lebel ng kabaliwan niya. Turo yan ng master niya na si Paeng. Pero kahit na ganito ang mga klase ng pantitrip ng mga ito, naging matatag pa din ang samahan nilang dalawa. Sa katunayan nga e si Tiyo Pot ang nagsisilbing editor ng mga gawang sulat ni Paeng at siya rin ang sumusulat ngayon ng chapter na ito, si T’yo Pot kasi ay may lap top, at may kakaibang abilidad gumawa ng mga pambihirang designs sa aparato. Magaling si T’yo Pot, minsan nga binalak ni Paeng na isangla ang taong ito para maipublish ang libro niya sa sobrang galing nitong taong ito sa aparato, kaya lang naisip ni Paeng, sino na ang gagawa ng cover ng libro niya kapag isinangla niya si T’yo Pot? Kaya napagdisisyunan niya na sa susunod niya na lang ito gagawin.  Huwag ka na mag taka kung mukhang pareho ang sulat ni T’yo Pot sa sulat ni Paeng, pareho nga kaming sisinto-sinto eh. O di ba?  “sama-sama sa alinmang bagay  kahit maging ito man ay sa kalokohan”. Diyan nabuo ang pagkakaibigan ng dalawa. Sama ka?

Tropang Paurong…!.? chapter 11

Ano kaya ang gagawin ng aso kapag kinukulit siya ng pasaway na lamok? Hindi ko sasabihin, obserbahan mo para malaman mo. Kilala mo ba ang tropang paurong?  Kung kilala mo, may balak ka bang maging isa sa kanila? Kung ayaw mo naman, wag ka na lang KJ sa trippingz nila. Alam mo ba kung paano maging cool sa loob ng klase? Siguradong ang mga tropang paurong ang mga madalas malate noon sa worship. Paano, nanood ng Naruto, inabot ng magdamag. Nahuli na nga ang mga seminaristang ito wala pa ring dala. Sa loob ng klase, tamang trip din sila, lalo na ung dalawang magkaklaseng higher year. Lahat ata ng kanilang madidiscuss  hahaluan ng Naruto o hindi kaya’y Hitman Reborn. May sariling mundo sa loob ng klase, late gumawa ng assignment, pero hindi silang dalawa, kasi ung isa, inaagapan niya lahat ng assignment, at hindi rin siya nagpapahuli sa klase. Ika nga niya: daig ni maagap si masikap. Pero ung isa, haaaay!! Sobrang kupad, sa pagkaen lang mabilis ang mokong na ito. At sa klase, siya lang ata ang may lakas ng loob magdighay at hindi lang basta dighay, may kasama pang posing ni Naruto kapag gagamit ng shadow clone ninjutsu. Astig diba!!! Sentro ng tawanan ang dalawang ito sa klase nila, pero kahit ganon, mahusay din naman ang dalawang ito sa klase, hindi nagpapabaya sa kanilang grades. Un nga lang to the last minute na magpasa ng papers, kapag halos mabugnot na ang guro, at magtangka ng magbunot ng kilay sa kahihintay sa kanila. At ang dalawang ito ay may kasabwat na mga lower year, un nga lang medyo baduy ang mga taong ito, kasi hindi Naruto shippuden ang trip nilang palabas, Robin Padilla. Magkakatropa sila, pero madalas magaway-away dahil sa pagdidisisyon kung ano ang panonoorin, naruto ba o Robin. Mga mokong talaga. Nahuli ang magtotropang ito at naconcern, kaya un, eskapo na sila sa panonood ng disoras. Ngayon, games naman ang pinagkakaabalahan nila, nangunguna sa listahan ang battle realms, sumunod ang counter strike at ang strong hold at ang pinaka trip nila, at hindi mawawala, plants vs zombies. Mukha ngang nazombies na din ang utak ng mga mokong na ito eh; dahil kapag tinanong sila ng teacher nila sa music ng “where is your brain?” ang sagot nila “eaten by zombies”. Talagang maloko ang mga seminaristang ito, partida pa yan, nakikiheram pa lang sila ng lop top, eh pano na kaya kung magkaroon na sila ng lop top? Patay, siguradong sabog mundo ang seminaryo. Ganun pa man, sa kabila ng mga kalokohan nila noon, unti-unti din nagbago ang mga taong ito, noon kung everyday silang nanonood ng Naruto, ngayon twing Huwebes na lang, may schedule na, at may bago na silang member, tawagin na lang natin siyang so Notpan. Welcome to the club! Yeheyyy!!! At kung noon, pasaway ang mga ito sa klase, ngayon hindi na gaano, kapag nakatalikod na lang ang teacher. At kung noon, to the last minute sila magpasa ng papers, ngayon to the last hour na, at least may improvement diba. Isa lang naman ang mahalaga dito eh. Alam mo kung ano ang tama at ang mali, at alam mo kung ano ang magbibigay ng buhay  at kamatayan para sa lahat. Ang Diyos ay napakabait. Binigyan ka niya ng pagkakataon para mamili ng iyong landas, tama man ito o mali, buhay man o kamatayan pero nagbigay siya ng gabay “piliin mo ang buhay”. Sa bawat pagkakamaling ating magagawa, sa bawat pagkukulang na ating malilikha, huwag kang matakot na muling magbangon para harapin ang panibagong umaga. Hindi yan ibinigay sa iyo ng Diyos para bayaran mo, libre ang umaga para sa ating lahat, kaya kung ako sa iyo bangon na, baka maubusan ka. Alam kong marunong kang magpasya ng tama. Kung tatasain ang isip ng tao, malalim ang taglay nitong karunungan, ang nagiging balakid lang ay hindi niya alam gamitin ang karunungang taglay o di kaya’y nahihiya dahil hindi ito indemand kagaya ng sa iba.

Thursday, January 13, 2011

For freedom, for the clan!! chapter 10

May digmaan din pala sa seminaryo? Anong klaseng digmaan kaya ito? Kung ang mga hayop sa panahon natin ay nagmula sa lipi ng mga dinosaur , anong lahi kaya ng dinosaur ang pinagmulan ng ipis? May giant ipis kaya noon? Ano naman kaya ang posibleng pangalan ng dinosaur na giant ipis? Gianticum ipisum? Nagsimula na ang paghahanda ng lahat, nagsimula na ang kanya kanyang pagpapalakas, pilit na inubos ang lahat ng sa kanila, pero mabangis talaga ang grupo ni Mahadera, ubos agad ang kanila, at nagsisimula na silang lumusob sa ibang lugar. Tapos ang grupo namin, tiyak lulusubin na kami ni mahadera, kitang-kita na namin ang kanyang malaking ngiti galling sa kanyang malaking bibig. Ayan na unti-unti na silang naatake, kailangan naming magmadali para isafety ang lahat ng aming mga angking kayamanan, pero matindi talaga sila, kinuha ang aming kanin at ulam, wala kaming magawa kung hindi ibigay. Ganito ang araw-araw na episode sa kainan. Animo’y digmaan, paano ba naman naglulusuban. Malakas kumain ang katabi naming table, daig pang may anaconda sa tiyan, masubukan ngang purgahin ang mga taong ito. At dahil sa mabilis silang kumain, dumadayo sila sa ibang table para punuan ang pagkukulang ng kanilang tiyan, syempre mababait kami, at mapagbigay, sige lang bigay kami, un nga lang bago nila makuha ang gusto nila, sandamukal na kantyaw muna ang tatamasahin nila sa amin. Ang saya! Madalas kami ang nasasakop ng ibang table, naging favorite site na nga ng mga nabitin sa kanin at ulam sa kanilang table ang table namin kasi kami ang madalas may matirang ulam eh, tsaka may angking kabagalan ang bawat isa sa table namin. Kung minsan din naman napapasok namin ang ibang table, pero paminsan-minsan lang iyon.mas madalas lugi kami, lalo na sa tiyan ni mahaderang bundat. Ang pinaka-mahalaga sa ay nabusog ang lahat, un nga lang may kumain ng marami kasi un ang sapat sa kanila, at may kumain din ng kaunti, dahil un din ang sapat sa kanila. Hindi mahalaga kung may nakakain ng marami o kaunti, ang pinakamahalaga sa lahat ay ung nagisip ka para sa ikabubuti ng iyong kapatid. Handa mong ibigay ang pagkain mo, para sa ibang nangangailangan nito, at upang lahat kayo ay makakain ng sapat. At lahat kayo tamasahin ang buhay. Ganyan din sana tayo, hindi naman siguro kailangan na laging lamang tayo, kailangan din siguro na magbahagi tayo sa iba. Gaya nga ng lagi kong sinasabi, magbigay ka sa kapwa mo, dahil malay mo, ikaw na pala ang tugon ng Diyos sa panalangin ng iyong kapwang nangangailangan.

Saturday, January 8, 2011

Library hour nanaman, bwisitin natin si Hardelio?.!! chapter 9

Sino si Hardelio? Ano ang kanyang papel sa kwentong ito? Natutulog din ba ang mga lamok? Kung oo, panong posisyon? At paano nga ba papatayin ang lamok? Hahaplitin mo ba siya? Kasi kung hahaplitin mo, maaaring bumaon lalo ung tubong pinangsisip-sip niya ng dugo, at maaaring maging dahilan ng paglabas ng tren ng mga kinain mo? Un bang tren na laging panakot ni nanay noong bata ka pa? Library hour nanaman, tiyak hindi nanaman maipinta ang mukha ng librarian naming si Hardelio, ang numero unong tagasaway sa mga nunero unong pasaway din na mga seminarista. Bawal ang cell phone! Bawal ang Face book! bawal ang kumain sa loob ng library, Bawal ang kakaibang web site, bawal ang matulog, bawal ang magingay, bawal ang kumuha ng libro kung walang stick na inilagay, bawal ang mag-alis ng dictionary sa pwesto nito, bawal ang pork, bawal ang beans, bawal ang hipon, baka magkamemory gap ka, take enervon prime. Ito ang mga kadalasang adlib ni Herdelio, also called as George at pagpapaala-ala sa mga kunsumisyong mga seminarista. Pero wala kasing takot factor ang mga seminarista, bawal mag cp sa loob, ayun lumabas, ang husay diba. Bawal ang mag fb, yun eh kung mahuhuli, pero kung hindi, pwede, galing talaga. Bawal magingay, nagkwentuhan na lang, hindi daw un ingay. At kung hindi un ang lusot, gagamitin pang pananggalang ng mga tiklong seminarista ang mga class librarian, bakit daw sila pwedeng magingay, kahit hindi naman nagiingay ang mga class librarian, astig diba. Bawal kumain sa library, pero ligtas ka kapag ibinabahagi mo ang pagkain mo. Bawal ang kakaibang web, wala naman sa aming gumagawa ng ganito. Bawal ang matulog, pero kapag nakapikit pwede (sabi ng mga madalas matulog) ang mahirap lang kung minsan, ung pagpikit nila, may kasamang hilik, tulo laway pa kwela talaga(minsan nahuli na rin akong natulog eh. Pari pa ang mga nakahuli sa akin, kahihiyaN. May picture pa ako sa kanila, souvenir daw ng aking kapalpakan). Makukulit talaga ang mga seminarista sa library, hindi ko rin naman sila masisi dahil mahirap talagang mag-aral kung wala ka naman sa kundisyon, o kung tapos mo na ung pagaaralan mo, ang tanging magagawa mo na lamang ay magtrip. Hindi ka naman pwedeng lumabas kasi kapag nagkulang ka ng oras sa library may penance ka, magbabalot ka ng libro, pagdudusahan mo ang bawat minutong katamaran mo. Edi ang mainam pa eh sa loob ka na lang ng library para Masaya. Perwisyo man ang mga seminarista, ang mahhalaga, pinagtotoonan namin ng pansin ang aming pag-aaral, at walang nagpapakita ng katamaran, dahil kapag ginawa mo yon, siguradong magbaba-bye kana, and you will follow the national road, ika nga ng mga guro.  Kaso, magkagayunman, masasabi kong kulang talaga sa disiplina kaming mga seminarista kung minsan. Ito rin ung bagay na nakikita kong kakulangan ng mga Pilipino, kulang tayo sa disiplina. Sa simple nga lang na segregation hindi pa natin masunod. Nabubulok lalagyan ng palastik, o diba lamang sa talino. Hindi nabubulok lalagyan ng nga papel, astig. Haaaaay!! Kung matututo lang sana ng disiplina ang bawat mamamayang Pilipino, may posibilidad siguro na umunlad tayo. Isipin mo na lamang kung ang bawat tao ay hindi magtatapon ng kalat kung saan-saan, ilalagay nya muna ito sa kanyang bulsa at hahanap ng tamang basurahan para dito, siguro malinis na ngayon ang Pilipinas, daig pa niya ang Singapore, Japan, Sweden at iba pang malilinis na bansa. Kung lahat ng motorista ay may disiplinang susunod sa batas trapiko, siguro walang mabubugnot magantay at hindi uso ang word na “traffic”. Kung lahat ay may disiplinang tatawid sa tamang tawiran siguro, walang magbubuwis ng buhay sa daan. Kung lahat ay may disiplina, hindi na kailangan ng kahit anong multa kung hindi ka susunod sa batas, dahil walang pagsuway kung may disiplina. Kung matututo lang ang bawat Pilipino, kung mauunawaan lang nila na kahit sa mga simpleng bagay pwedeng mabago ang Pilipinas, siguro magiging maingat siya sa bawat gagawin niya, at isasaalang-alang niya ang ikabubuti ng bansa. Kung lahat lang sana ng bawat Pilipino ay mag-iisip para sa Pilipinas. Ikaw, kalian ka magkakaroon ng disiplina? Kaylan ka mag-iisip para sa bansa? Kaylan pa? Ngayon na!!...?

Manianita…!? Hapi n b-day p.!.?...! chapter 8


Naranasan mo na bang mag manianita? Ano kaya ang manianita? Alam mo ba ang mulawin? Kilala mo na ba ‘ko, at ang kasabwat ko? Ilang isang libong pisong papel kaya ang pagsasama-samahin mo para matakpan mo ang buong Pilipinas? Sino naman kaya ang nagpauso ng tanong na ito? Alas-dose ng gabi, mahimbing ang tulog ni Arman Pingas, tulo laway, nakahandusay, animo’y wala ng buhay, wala lang palang ulirat, ng may biglang pumasok sa kanyang kwarto. Dahan-dahang lumalapit. Walang pakialam si Arman, tulog mantika kasi. Isang malakas na yugyog, hindi siya nagising, dinamihan, hindi pa rin natinag ang taong walang pakialam sa mundo kapag natulog, pinaspasan, sinamahan na ng salita.. Arman..Arman.. sa wakas nagkamalay ang seminaristang tulala pa sa mga pangyayari, naalimpangitan ata. Bakit ba? Tanong niya. Merong may B-day, ikaw ang mag guitara? Ayoko! Antok pa ako! Sagot ni Arman. Sige na, may mulawin. Ganun ba?? Sige, saang room? Sa 9. Ok let’s get it on!  Sinimulan ang pambubulahaw, mga tinig na walang patutunguhan, mga mukhang halatang nashock sa mga pangyayari, isang taong hindi malaman kung matutuwa o maiinis sa pambubulahaw na ginawa ng mga kasama. Ito ang mga mukha ng manianita, isang simpleng panggugulo sa kwarto ng may kaarawan; kakantahan siya ng mga awit ng pagbati ngunit ito ay hindi niya alam. Surppresa ang lahat, kaya ang resulta, mga mukhang hindi maipinta sa sobrang taranta, sa pag-aakalang may sunog o hindi kaya ay binobomba na ng ibang bansa ang Pilipinas. Gayun pa man, ang lahat ay mapapawi ng isang dahilan, ang mulawin. Ang mulawin ay panaderya sa bayan, na kung saan binibilhan ng mga seminarista ng tinapay para maging pangpalubag-loob sa pangbuburaot na kanilang gagawin. Bida lagi ito sa manianita, sasabayan pa ng kape, kape na magiging sanhi ng pagkapuyat ng lahat at kung marami ang nag-abuloy, ay este nagkaloob pala ng ambag para sa may kaarawan, tiyak bida din ang liver spread sa pagtitipon na ito. Masaya din kapag nagaganap ito, kasi nakikita ang pagpapahalaga ng bawat isa sa kasama nila. Nakikita ang pagmamalasakitan sapagkat, pare-pareho kaming walang pamilya, barkada, kapatid at iba’t-iba pang kakilala dito. Syempre sino-sino pa ba naman ang magdadamayan kundi kami na may sariling mundo dito sa seminaryo, nagkakaintindihan kasi pare-pareho lang kaming may hindi pangkaraniwang buhay at pare-pareho lang kaming gwapo.whahahaha!!! first time ko atang tumawa sa librong ito huh. Kahit sabihin man natin na hindi naman lahat kami ay interesadong batiin ang may kaarawan, (ung iba ung mulawin lang ang ipinunta, kasi ano ba naman ung kaprasong kanta kung magkakalaman naman ang tiyan mo bago ka matulog) isa lang ang mahalaga, lahat kami nagpapahalaga sa buhay ng bawat isa, lahat kami nagkakaloob ng kung ano ang meron kami para sa bawat isa, lahat kami napupuyat, absent sa worship, busog, Masaya, masakit ang ulo, masama ang pakiramdam kapag ubos na ang mulawin at gwapo. Share sa lahat ng bagay, huwag lang sa tootbrush shocking un. Ganito ang buhay sa seminaryo, nasa hindi natural na buhay man kami, pinipilit naming maging Masaya at maging kaiga-igaya ang buhay ng bawat isa. Kung itatanong mo kung paanong hindi naging natural, syempre, ikaw ba naman gumising araw-araw ng maaga para magsimba. Ikaw ba naman pagkatapos kumain maglilinis, at kung hindi pa masiyahan ang rector mararanasan mo ang habang nagpapahinga astig diba. Ikaw ba naman tuwing martes maglibrary ng buong araw, ikaw ba naman kahit umulan, bumagyo, tirik ang araw, umulan ng snow sa Pilipinas, kahit ata maging disyerto ang Pilipinas at kahit pa ata guguho na ang mundo, may pasok at may pasok pa rin kayo. Ang saklap diba? Ikaw ba naman makatikim ng black hole, malata-eh, super crunch, at kung ano-ano pang luto ng mga seminarista sa sinaing na pagtyatyagaan mo dahil magugutom ka kapag hindi mo kinain, hindi natural. Ikaw ba naman magkaroon ng gurong bishop, may edad na pero cool pa rin at kwela, ikaw ba naman magkaroon ng isang gurong maituturing mong parang ina mo na, mahilig pang magtreat. Ikaw ba naman magkaroon ng guro na puro kwento, tapos sasabayan ng laughing trip, ikaw ba naman magkaroon ng mahusay na guro kaso hirap ng konti sa tagalog, ikaw ba naman magkaroon ng rector na kasama mo sa lahat ng hirap sa trabaho at may deadly weapon na habang nagpapahinga, at ikaw ba naman magkaroon ng teacher na 6 parts ang final exam. Cool!! Ikaw ba naman magkaroon ng guro na tamang basa sa harapan, at siguradong magkakape ka kung gusto mong masubaybayan ang Romeo and Juliet ay este, un palang lecture nya, ikaw ba naman magkaroon ng guro sa music na susumpain mo kung hindi mo pa siya ganoon kakilala, pero para sa amin, cool siya. Ikaw ba naman ang magkaroon ng gurong deacon na sa lecture niya, hindi mawawala ang tawanan at iyakan, iyakan dahil sa sobrang tawa lang un na ang resulta kabag. At ang trip pa ng teacher naming ito ay gumawa ng iba’t-ibang sakit sa ulong tanog, kagaya ng nabasa mo sa taas kanina. At ikaw ba naman ang magkaroon ng magandang secretary sa opisina na dinadalaw ng mga seminarista bago pumasok sa eskwela. Ikaw ba naman magkaroon ng panggabing panalangin sa pamilya tuwing Biyernes, ikaw ba naman ang magkaroon ng panggabing panalangin gabi-gabi bago matulog, ikaw ba naman ang magkaroon ng bible study kapag second Tuesday of the month. Ikaw ba naman ang magkaroon ng parish exposure every Saturdays ang Sundays. Haaaaaaay!! Pero kahit ganoon pa man, dito lang meron niyan sa seminaryo, at yan ang mga bagay na minahal na namin dito.  Ikaw, tatanungin kita, ano ba ang Pilipinas na mamahalin mo, ang Pilipinas na walang patutunguhan, walang pagkaksaisa ang bawat Pilipino, maraming corrupt sa gobyerno, maraming mapanlamang sa kapwa, maraming dukha, maraming walang tahanan, maraming batang hupak, maraming batang hindi makapag-aral, sa kabuuan, isang bansang walang patutunguhan o ang Pilipinas na may pagkakaisa ang lahat, may pagmamahalan, may pag-kakapantay-pantay, may kalayaan, may katarungan, may kapayapaan, at ang bawat isa ay may masagana at kaiga-igayang buhay. Ano man ang piliin mo sa dalawa, walang ibang magtatakda niyan kundi ikaw. Kaya kung pipili ka rin lang, ung bagay na paninindigan mo, at hindi ung bagay na pagsisisihan mo pagdating ng araw.

Cook…!?.?! Chapter 7

Bakit ayaw magluto ng sumulat nito? Bakit Masaya siya sa pagobserba sa mga nagluluto? Masaya ba silang panoorin? Sino ba ang kapit-bahay ni lapu-lapu? Kung alam mo bakit hindi ka nagtangkang maging historian? At kung hindi mo naman alam, hindi ko na pagtatakhan un, kasi wala pa akong nabasa na nagchika ng ganun. Ito ang pinaka ayaw kong trabaho dito sa seminaryo, bukod sa maaga ang gising, napakaraming trabaho at ito ang trabaho na madalas maging tampulan ng kantyawan at kahihiyan. At ang pinaka matindi kong dahilan, hindi ako marunong magluto ng ulam…secret lang natin to huh?? Napapaisip din ako kung minsan, bakit may iba naman sa amin na ang hilig talaga ay ang pagluluto, at meron ding kagaya ko na sinaing na nga lang ang alam lutuin sablay pa. Ito naman ang mga uri ng luto sa sinaing na maari ninyong gayahin o maging inspirasyon kung ibig din ninyong tumanggap ng kahihiyan. Talagang magagaling ang mga seminarista, dahil naisip nila ang mga ganitong klase ng mga luto sa sinaing, at eto ang mga katawagan sa mga sinaing ng mga seminarista. Una, “super crunch” eto ang pinakamatinding luto sa sinaing para sa akin, dahil kapag nagawa mo ang pambihirang lutong ito, tiyak bida ka sa lahat ng mga semirarista. Isang araw mong pagdudusahan ang ginawa mong kalagim-lagim. Ang lutong ito sa sinaing ay ung pinagsamang konting kanin at sandamukal na bigas, in short hilaw. Astig diba, parang milk serial. Ito ang pinaka-matindi dahil tiyak, gutom ang mga seminarista, dahil walang mapapakinabangan sa sinaing na ito. At ang pamatay ay pag ginawa itong sinaing na super crunch sa umaga, tiyak maghihimagsik ang buong sambayanan. Pero isa lang ang maganda kapag nagawa mo ang super crunch, sikat ka sa lahat ng seminarista. Kung sa kanta sabi ako ang reyna ng gabi, kapag nagawa mo ang super crunch, ikaw ang magiging reyna ng buong araw, un lang puro sakit sa kalooban mo ang magiging  papuri sayo. Suggested name para sa gumawa ng super crunch: “super strength”. Parallel film: “alamat ng coco crunch”. Ikalawa sa listahan ay ang “Mud of Destruction o sa terminong Pilipino, Malata-eh” ito naman ang tawag sa sinaing na nagmukhang lugaw ang dating, ung kung tawagin ay malata (madalas ito ang itsura ng luto ko). Para sa akin, medyo ok lang ang lutong ito dahil makakain pa naman ang kanin, hindi kagaya sa super crunch na walang mapapakinabangan, pero suhestyon ko lang ito. Ang problema lang, siguradong maghapong dalahin ito ng mga seminatista, dahil mabigat sa tiyan ang malata. Walang reaksyon ang mga seminarista sa taong nakapagluto ng ganito, malamang, dahil nabubulunan sila. Yes ligtas ako! Suggested name: “mud man”. Parallel film: “nang mahulog si Etoy sa kumunoy”. Ang ikatlo ay “black hole”, ito naman ang tawag sa sinaing na sunog. Eto ay isa sa pinakamalupit sa paningin ng mga seminarista, mahirap mapatawad ang taong gumawa nito. Ipako sa krus ang penalty, pero joke lang un. Madalas ang gumagawa nito ay maagang napuntang palengke, maagang nakain tapos matutulog na lang sa kwarto o di kaya, kung brave heart ang taong ito na tanggapin ang mapanlait na mga bibig ng mga seminarista, kakaen siya kasama ang community, pasado siya sa alpha phi kapalmuks pag ganun. Suggested name: “the African”. Parallel story: “ang umagang nagmukhang gabi ng lagim”. Ang ikaapat ay kung tawagin ay “double murder”. Ito naman ang saing na ang sa kabilang side ay hilaw, at sa kabila naman ay malata. Convincing at Amazing! Bibihira ang may talentong gumawa ng ganitong obra maestra, pero siguradong yari siya! (alam ko to dahil nagawa ko na ang ganitong saing noon, hindi na ako pumasok sa eskwela, hindi ako nakakain,  masyado kong dinamdam ang mga nangyari, parang gusto ko ng wakasan ang aking buhay……Acting lang! mag bio-gesic, safe to! Kahit walang laman ang tiyan. Ingat!). Pero ang kaigihan naman sa ganitong luto, may nakakain pa rin, un nga lang lugaw ang itsura, at ang kalahati, ididispatsa na. sayang. Suggested name: “balimbing”. Parallel film: “sumablay sa kaliwa, binawian sa kanan, ang kinalabasan, karimlan”. At ang huli ay ang “the restaurant”. Ito ang perpektong sinaing. Eto ang madalas magawa ng mga seminarista, ikaw ba naman ilang taon mong gagawin hindi mo pa mapeperfect? Pero isa ako sa hindi makaperfect kahit maatagal na ako sa seminaryo. Chamba-chamba lang kapag nakaperfect ako. Suggested name: “solar hands”. Parallel story: Cooking Water Boy”. (Hint: matatagpuan ang mga parallel films sa website na “w.w.w. Uto-Utongmambabasa.com.ph”). Pero kahit ganon pa man, para sa akin mas maige na ang sablay, kasi Masaya ang lahat, kahit ang naging sanhi ng delubyo, happy din naman. Tsaka, mukhang mas sanay na ang aming tiyan sa mga sablay na sinaing eh. Isa lang ang lesson ko ngayon. Maging kuntento sa kung ano ang meron ka. Pangit, maganda o hindi kaaya-aya. Pagyamanin mo lamang ito, at gamitin mo para sa pagsisilbi sa tao. At kung may maaari kang ibahagi, ibahagi mo sa iyong kapwa.

“Kahit lahat sa mundo nabibili, naniniwala pa rin akong may libre pa rin. Pagmamahal. Kapag nawala na sa tao ang pagmamahal, wala ng libre. Isipin mo ang katagang ito, kahit masakit sa ulo.”
Bro. Armando M. Casim

Monday, November 29, 2010

Kilala nyo ba si T’yo Peto? chapter 6


Sino naman ang bagong mukha sa librong ito? Ano ang kinalaman niya sa seminaryo? Nagaatend ba ng flag ceremony ang mga langgam? Kung hindi, bakit lagi silang pila-pila? At kung oo, bakit naglalakad sila? Ito ba ang uri ng pagrespeto nila sa kanilang pangkwebang watawat? Hindi ko alam kung paano napad-pad sa seminaryo itong si t’yo Peto, isang araw na lamang ng magsimula ang aming pang-umagang pagsamba, gumulantang sa akin ang boses na nagkukwento ng kung ano-ano sa aking likuran, akala ko seminarista, paglingon ko, isang lalaking mukhang sisinto-sinto ang aking nakita. Simula ng dumating siya, naging dagdag na siya sa apple of the eye ng lahat (kawawa naman si Mahadera, dedma na siya sa mga boylet niya). Matinding magtrip ang taong ito; habang ang lahat ay nasa yugto na ng kaseryosohan at pagninilay, isang tawang pamatay ang kanyang ipapamalas at sigurado, sabog ang mundo ng mga nasa simbahan. Pati ang rector napapakamot ulo, cool diba? Kung minsan naman tahimik din ang taong ito, nagninilay din o nagseseryoso, kahit ano pa man, basta ang mahalaga tahimik siya, walang buraot, walang sanhi ng tawanan sa misa. Kung minsan naman, hindi mo mapigilan ang trip ng taong ito, magsasalita kung kailan niya gusto, o tatawa kung hindi na matiis ang katahimikang hindi niya nakasanayan. Nasasaway naman si t’yo Peto, ang problema lang, kailangang uulit-ilitin mo; magsawa ka o hindi, ang mahalaga masaya siya; malamang nasa isip niya “huwag kang basag trip, mag-isip ka ng sa iyo”. Madalas siyang naattend ng worship service namin, kung kasama nga siya sa attendance namin, baka mas marami pang present ang taong ito kesa sa ibang mga seminaristang tulad ko. Sa pagaatend ng bawat service, isa ang pinaka-favorite niya, ung misa. Kasi nagagawa niya ang kanyang pamatay na pausing. Kapag kami ay napila na para magkomunyon, pipila na rin si t’yo Peto, with matching dance pa nga. Pipila siya, nag-aantay ng tamang pagkakataon para bimira…. Ayan na, malapit na siyang bigyan ng komunyon…. Oras na niya… at kabum! pagkatapos tumanggap ng komunyon, tumalikod, sabay pagpapamalas ng kanyang  killer pause na ala Villar na nakahugis check ang daliri at nakalagay sa mukha, pang Mr. pogi ang dating, seryoso ang tirada, may beautiful eyes pa parang batang inuto para kumanta, inggit ang mga seminarista, lalo na si Felixa, sabay balik sa upuan. Sa ganito’t-ganito man, Masaya kaming naririto siya, parang naging ampunan na nga ng may mga problema sa pag-iisip ang seminaryong ito. Nanjan si Mayumi ang suki ni mommy Fe at Fr. Nixon sa barya, na kahit may klase ay sige pa rin ang hinge. Ang anak niyang si Gale at si t’yo Peto nga na binibigyan namin ng pagkain pagkatapos ng simba. Masaya kami kahit na sabihin ng iba na may saltik sa ulo ang taong ito, ang mahalaga sa amin ay nakikilala niya ang Diyos, kahit na sabihin pang madalas mag trip sa simbahan ang taong ito, ang mahalaga, inilalaan niya sa Diyos ang panibagong umaga na ipinagkaloob Nito sa kanya. Ikaw, ako, tayo? Kailan ba natin nakilala ang Diyos? Kailan ba tayo nagsilbi sa kanya? Ano at sino ba ang mukha ng Diyos? Kailan ba siya kumatok sa atin at ating pinagbuksan? Kailan ba tayo nagkaloob ng tubig sa mga nauuhaw? Kailan ba tayo nagbigay ng maisusuot sa mga wala nito? Kailan ba tayo nagbigay ng pagkalinga sa mga may sakit? Kailan ba tayo nagkaloob ng pagkain sa mga nagugutom? Kailan ba tayo nagpahalaga sa kapwa natin? Sa kapwa natin na naglalarawan ng mukha ni Kristo. Sana isa tayo sa mga taong nagbibigay ng ngiti sa Kanyang mukha, hindi ang nagpapataw ng panibagong koronang tinik sa Kanya. Sana isa tayo sa umaalalay sa Kanya, at hindi nagbibigay sakit sa Kanya. Sana maisip mo ito, at hindi manatiling sulat kamay ng taong may pasimuno nito. “Ang mga nakasulat dito ay walang katuturan. Dahil nasasaiyo ang pagbibigay dito ng kabuluhan. Ang bawat kataga dito ay walang halaga, dahil hindi ito makalilikha ng mga bagay na kaya mong magawa. Ikaw ang hangganan, ikaw ang sukdulan, ikaw ang magaakda ng kapalaran. Isa lang ang tanong ko, may konsensya ka ba?