Thursday, November 25, 2010

Paano ba namulat ang sumulat nito? Chapter 5


Sino ba si Arman Pingas ngayon? Ano ba ang kinalaman niya sa buhay seminaryo? Bakit ba mahilig magtanong ang tulad mo? Napipilitan tuloy akong magisip ng isasagot. Si arman, matapos ang lahat ay pumasok sa seminaryo. Isang araw ng siya ay umuwi galing eskwela, nakita niyang nageempake ang lahat ng seminarista, mukhang may masayang pupuntahan. Sobrang inggitin itong si Arman, kaya ng malaman niyang wala silang pasok kinabukasan, sumama siya sa imbitasyon ng iba pang mga seminarista. Masaya kami sa loob ng jeep, nagtatawanan, nagkukwentuhan, kasi un lang naman ang pwede mo talagang gawin sa jeep, pwede ka bang magtatatakbo sa jeep? Pero kung trip mo, hindi na kita pipigilan. Nakalagpas na kami ng pangasinan, tarlac, nasa NLEX na kami, hindi ko alam pero biglang pumasok sa isip ko ang tanong na “saan ba tayo pupunta?” na hindi ko naitanong bago ako sumama. Nang malaman ko, huli na ang lahat, hindi na ako pwedeng tumakbo pauwi, dahil tiyak lawit dila ako bago ako makabalik ng seminaryo. Sa Maynila pala ang punta namin, dahil may pagkilos na magaganap para sa kampanyang Oust GMA. Nung una, hindi ko alam ang gagawin ko, at hindi ko maisip ang katangahang ginawa ko dahil sumama ako. Nakarating kami ng Maynila, dumiretso kami sa UP. Pumunta kami sa isang building doon, ang daming tao, iba’t-ibang mukha, lahat iba, pero may iisang pagkakapareho, ang hangaring patalsikin ang nagpapahirap sa kanila. Ako lang ata ang black sheep sa kanilang lahat, dahil gala lang naman ang motibo ng taong ito na hindi marunong magtanong bago sumama. Maya-maya, nagtawag silang lahat para sa isang maikling solidarity night. Isang gabi ng kantaahan ng mga makabayan na awitin, samu’t saring karaingan sa kasalukuyang rehimen, at mga nagpupuyos na damdamin. Unti-unti akong napaisip, bakit kaya sila ganito? Tumatarak sa dib-dib ko ang hinaing ng mga kabataang huminto dahil sa pataas ng pataas na tuition fees, dinudurog ang puso ko ng mga magsasakang galing sa iba’t-ibang dako na penipeste ng mga panginoong may lupa, o hindi kaya’y ang salot na dam. Sumisigaw sa puso ko ang panawagan ng mga manggagawa para sa dagdag na sahod. Tila puputok ang puso ko sa mga marurusing na mukha ng mga bata na pinalayas at ginibaan ng mga tahanan, para sa itatayong imprastraktura na magbibigay daw ng trabaho sa lahat. Ako, sino ako, ano ang nasa isip ko? Nagisip na ba ako para sa mga taong ito? O ang sarili ko lamang ang inisip ko? Bakit ngayon ko lamang sila nakita? Bakit ngayon ko lamang sila nakilala? Nasaan ang diyos sa mga ganitong pagkakataon? Sa aking pag-iisip, bumalik pa rin sa akin ang lahat ng tanong. Nabuo sa akin ang isang sagot “ako”. Sa lahat ng mga kaguluhan, sa lahat ng pagsasamantala, sa lahat ng pagwawalang-bahala sa kapakanan ng iyong kapwa, nasaan ang Diyos? Nasa iyo, nasa akin, nasa atin. Nilikha ka ng Diyos upang palayain ang mga alipin ng kahirapan, ipamulat sa bawat isa ang kahulugan kung paanong mabuhay, at kahalagahan ng buhay. Sa huli, natanggap ko na ang lahat, natanggap ko ng may dapat ng magwakas, ang naghaharing kasakiman, at kapalaluan, ang katahimikan at pagsasawalang kibo. Natulog kami sa sahig ng nasabing building, walang nagawa ang mga may rayumang seminarista, sumama sila eh. Tiyak iika-ika ang mga ito kinaumagahan.  Doon kami nagpalipas ng gabi para sa pagkilos kinabukasan. Tangan ang bagong lakas, at sigla, tangan ang bagong paninindigan at pananaw, gumising ako ng boong sigla upang salubungin ang bagong umaga. Kami ay may baong gasul, parang magcacamping lang talaga, ang problema, ubos na ang laman ng gasul, hindi man lang nito napakulo ang sinaing namin, tinalo pa kami ng magic gatong ng ibang kasama namin. Kahihiyan man, nakigamit kami sa magic gatong ng mga katabi naming tawa ng tawa sa aming sawing kapalaran. Ang lahat ay nagbahaginan ng mga pagkain, kumain at nabusog. Tumahak na kami sa harapan ng UP at pagkatapos ay lakad, takbong nagtungo sa Ever gotesco mall na tagpuan ng lahat ng ralihista. Para kaming mga special person, dahil sa magkabilang gilid, may mga military na may tangang M-16. Astig! Pwedeng pwede kaming gawing target paper ng mga taong ito. Malayu man, nabagyo at may mga tanod, walang nakakaramdam ng pagod at takot sa aming lahat. Siguro dahil na rin sa hangarin namin na maiparating sa lahat ang hinaing ng sambayanan. Ang tunay na State of the Nation Address, dahil dito talaga  pinaguusapan ang mga problema ng tao. Pagdating sa tagpuan, masayang nagsimula ang programa. May mga kantaahan at mga pagpapahayag ng pagsimpatya ng mga grupong progresibo. Pero habang nag-iisip ako, naisip ko kung dapat bang ang pangulo ang mawala? Ilang pangulo na ang nagdaan, wala pa ring sariling lupa si Juan, wala pa ring masilungan si Juan, wala pa ring assenso si juan, ayon sa awit. Hindi ako komentador, pero, sa palagay ko, ang dapat baguhin ay ang sistemeng umiiral sa bansa, na patuloy na nagpapahirap sa tao. Ikaw na ang tumuklas kung anong sistema ito, mahirap kung sasabihin ko lagi sa iyo, paano ka matututo ng sarili mo? Masaya ang lahat ng naexperience ko, at ito ang humubog sa bagong arman na nagsusulat ngayon ng librong katawa-tawa, nasasaiyo na kung may kwenta o wala. Ako naman ang magtatanong, bakit ka matanong?

No comments:

Post a Comment