Monday, November 29, 2010

Kilala nyo ba si T’yo Peto? chapter 6


Sino naman ang bagong mukha sa librong ito? Ano ang kinalaman niya sa seminaryo? Nagaatend ba ng flag ceremony ang mga langgam? Kung hindi, bakit lagi silang pila-pila? At kung oo, bakit naglalakad sila? Ito ba ang uri ng pagrespeto nila sa kanilang pangkwebang watawat? Hindi ko alam kung paano napad-pad sa seminaryo itong si t’yo Peto, isang araw na lamang ng magsimula ang aming pang-umagang pagsamba, gumulantang sa akin ang boses na nagkukwento ng kung ano-ano sa aking likuran, akala ko seminarista, paglingon ko, isang lalaking mukhang sisinto-sinto ang aking nakita. Simula ng dumating siya, naging dagdag na siya sa apple of the eye ng lahat (kawawa naman si Mahadera, dedma na siya sa mga boylet niya). Matinding magtrip ang taong ito; habang ang lahat ay nasa yugto na ng kaseryosohan at pagninilay, isang tawang pamatay ang kanyang ipapamalas at sigurado, sabog ang mundo ng mga nasa simbahan. Pati ang rector napapakamot ulo, cool diba? Kung minsan naman tahimik din ang taong ito, nagninilay din o nagseseryoso, kahit ano pa man, basta ang mahalaga tahimik siya, walang buraot, walang sanhi ng tawanan sa misa. Kung minsan naman, hindi mo mapigilan ang trip ng taong ito, magsasalita kung kailan niya gusto, o tatawa kung hindi na matiis ang katahimikang hindi niya nakasanayan. Nasasaway naman si t’yo Peto, ang problema lang, kailangang uulit-ilitin mo; magsawa ka o hindi, ang mahalaga masaya siya; malamang nasa isip niya “huwag kang basag trip, mag-isip ka ng sa iyo”. Madalas siyang naattend ng worship service namin, kung kasama nga siya sa attendance namin, baka mas marami pang present ang taong ito kesa sa ibang mga seminaristang tulad ko. Sa pagaatend ng bawat service, isa ang pinaka-favorite niya, ung misa. Kasi nagagawa niya ang kanyang pamatay na pausing. Kapag kami ay napila na para magkomunyon, pipila na rin si t’yo Peto, with matching dance pa nga. Pipila siya, nag-aantay ng tamang pagkakataon para bimira…. Ayan na, malapit na siyang bigyan ng komunyon…. Oras na niya… at kabum! pagkatapos tumanggap ng komunyon, tumalikod, sabay pagpapamalas ng kanyang  killer pause na ala Villar na nakahugis check ang daliri at nakalagay sa mukha, pang Mr. pogi ang dating, seryoso ang tirada, may beautiful eyes pa parang batang inuto para kumanta, inggit ang mga seminarista, lalo na si Felixa, sabay balik sa upuan. Sa ganito’t-ganito man, Masaya kaming naririto siya, parang naging ampunan na nga ng may mga problema sa pag-iisip ang seminaryong ito. Nanjan si Mayumi ang suki ni mommy Fe at Fr. Nixon sa barya, na kahit may klase ay sige pa rin ang hinge. Ang anak niyang si Gale at si t’yo Peto nga na binibigyan namin ng pagkain pagkatapos ng simba. Masaya kami kahit na sabihin ng iba na may saltik sa ulo ang taong ito, ang mahalaga sa amin ay nakikilala niya ang Diyos, kahit na sabihin pang madalas mag trip sa simbahan ang taong ito, ang mahalaga, inilalaan niya sa Diyos ang panibagong umaga na ipinagkaloob Nito sa kanya. Ikaw, ako, tayo? Kailan ba natin nakilala ang Diyos? Kailan ba tayo nagsilbi sa kanya? Ano at sino ba ang mukha ng Diyos? Kailan ba siya kumatok sa atin at ating pinagbuksan? Kailan ba tayo nagkaloob ng tubig sa mga nauuhaw? Kailan ba tayo nagbigay ng maisusuot sa mga wala nito? Kailan ba tayo nagbigay ng pagkalinga sa mga may sakit? Kailan ba tayo nagkaloob ng pagkain sa mga nagugutom? Kailan ba tayo nagpahalaga sa kapwa natin? Sa kapwa natin na naglalarawan ng mukha ni Kristo. Sana isa tayo sa mga taong nagbibigay ng ngiti sa Kanyang mukha, hindi ang nagpapataw ng panibagong koronang tinik sa Kanya. Sana isa tayo sa umaalalay sa Kanya, at hindi nagbibigay sakit sa Kanya. Sana maisip mo ito, at hindi manatiling sulat kamay ng taong may pasimuno nito. “Ang mga nakasulat dito ay walang katuturan. Dahil nasasaiyo ang pagbibigay dito ng kabuluhan. Ang bawat kataga dito ay walang halaga, dahil hindi ito makalilikha ng mga bagay na kaya mong magawa. Ikaw ang hangganan, ikaw ang sukdulan, ikaw ang magaakda ng kapalaran. Isa lang ang tanong ko, may konsensya ka ba?

Thursday, November 25, 2010

Paano ba namulat ang sumulat nito? Chapter 5


Sino ba si Arman Pingas ngayon? Ano ba ang kinalaman niya sa buhay seminaryo? Bakit ba mahilig magtanong ang tulad mo? Napipilitan tuloy akong magisip ng isasagot. Si arman, matapos ang lahat ay pumasok sa seminaryo. Isang araw ng siya ay umuwi galing eskwela, nakita niyang nageempake ang lahat ng seminarista, mukhang may masayang pupuntahan. Sobrang inggitin itong si Arman, kaya ng malaman niyang wala silang pasok kinabukasan, sumama siya sa imbitasyon ng iba pang mga seminarista. Masaya kami sa loob ng jeep, nagtatawanan, nagkukwentuhan, kasi un lang naman ang pwede mo talagang gawin sa jeep, pwede ka bang magtatatakbo sa jeep? Pero kung trip mo, hindi na kita pipigilan. Nakalagpas na kami ng pangasinan, tarlac, nasa NLEX na kami, hindi ko alam pero biglang pumasok sa isip ko ang tanong na “saan ba tayo pupunta?” na hindi ko naitanong bago ako sumama. Nang malaman ko, huli na ang lahat, hindi na ako pwedeng tumakbo pauwi, dahil tiyak lawit dila ako bago ako makabalik ng seminaryo. Sa Maynila pala ang punta namin, dahil may pagkilos na magaganap para sa kampanyang Oust GMA. Nung una, hindi ko alam ang gagawin ko, at hindi ko maisip ang katangahang ginawa ko dahil sumama ako. Nakarating kami ng Maynila, dumiretso kami sa UP. Pumunta kami sa isang building doon, ang daming tao, iba’t-ibang mukha, lahat iba, pero may iisang pagkakapareho, ang hangaring patalsikin ang nagpapahirap sa kanila. Ako lang ata ang black sheep sa kanilang lahat, dahil gala lang naman ang motibo ng taong ito na hindi marunong magtanong bago sumama. Maya-maya, nagtawag silang lahat para sa isang maikling solidarity night. Isang gabi ng kantaahan ng mga makabayan na awitin, samu’t saring karaingan sa kasalukuyang rehimen, at mga nagpupuyos na damdamin. Unti-unti akong napaisip, bakit kaya sila ganito? Tumatarak sa dib-dib ko ang hinaing ng mga kabataang huminto dahil sa pataas ng pataas na tuition fees, dinudurog ang puso ko ng mga magsasakang galing sa iba’t-ibang dako na penipeste ng mga panginoong may lupa, o hindi kaya’y ang salot na dam. Sumisigaw sa puso ko ang panawagan ng mga manggagawa para sa dagdag na sahod. Tila puputok ang puso ko sa mga marurusing na mukha ng mga bata na pinalayas at ginibaan ng mga tahanan, para sa itatayong imprastraktura na magbibigay daw ng trabaho sa lahat. Ako, sino ako, ano ang nasa isip ko? Nagisip na ba ako para sa mga taong ito? O ang sarili ko lamang ang inisip ko? Bakit ngayon ko lamang sila nakita? Bakit ngayon ko lamang sila nakilala? Nasaan ang diyos sa mga ganitong pagkakataon? Sa aking pag-iisip, bumalik pa rin sa akin ang lahat ng tanong. Nabuo sa akin ang isang sagot “ako”. Sa lahat ng mga kaguluhan, sa lahat ng pagsasamantala, sa lahat ng pagwawalang-bahala sa kapakanan ng iyong kapwa, nasaan ang Diyos? Nasa iyo, nasa akin, nasa atin. Nilikha ka ng Diyos upang palayain ang mga alipin ng kahirapan, ipamulat sa bawat isa ang kahulugan kung paanong mabuhay, at kahalagahan ng buhay. Sa huli, natanggap ko na ang lahat, natanggap ko ng may dapat ng magwakas, ang naghaharing kasakiman, at kapalaluan, ang katahimikan at pagsasawalang kibo. Natulog kami sa sahig ng nasabing building, walang nagawa ang mga may rayumang seminarista, sumama sila eh. Tiyak iika-ika ang mga ito kinaumagahan.  Doon kami nagpalipas ng gabi para sa pagkilos kinabukasan. Tangan ang bagong lakas, at sigla, tangan ang bagong paninindigan at pananaw, gumising ako ng boong sigla upang salubungin ang bagong umaga. Kami ay may baong gasul, parang magcacamping lang talaga, ang problema, ubos na ang laman ng gasul, hindi man lang nito napakulo ang sinaing namin, tinalo pa kami ng magic gatong ng ibang kasama namin. Kahihiyan man, nakigamit kami sa magic gatong ng mga katabi naming tawa ng tawa sa aming sawing kapalaran. Ang lahat ay nagbahaginan ng mga pagkain, kumain at nabusog. Tumahak na kami sa harapan ng UP at pagkatapos ay lakad, takbong nagtungo sa Ever gotesco mall na tagpuan ng lahat ng ralihista. Para kaming mga special person, dahil sa magkabilang gilid, may mga military na may tangang M-16. Astig! Pwedeng pwede kaming gawing target paper ng mga taong ito. Malayu man, nabagyo at may mga tanod, walang nakakaramdam ng pagod at takot sa aming lahat. Siguro dahil na rin sa hangarin namin na maiparating sa lahat ang hinaing ng sambayanan. Ang tunay na State of the Nation Address, dahil dito talaga  pinaguusapan ang mga problema ng tao. Pagdating sa tagpuan, masayang nagsimula ang programa. May mga kantaahan at mga pagpapahayag ng pagsimpatya ng mga grupong progresibo. Pero habang nag-iisip ako, naisip ko kung dapat bang ang pangulo ang mawala? Ilang pangulo na ang nagdaan, wala pa ring sariling lupa si Juan, wala pa ring masilungan si Juan, wala pa ring assenso si juan, ayon sa awit. Hindi ako komentador, pero, sa palagay ko, ang dapat baguhin ay ang sistemeng umiiral sa bansa, na patuloy na nagpapahirap sa tao. Ikaw na ang tumuklas kung anong sistema ito, mahirap kung sasabihin ko lagi sa iyo, paano ka matututo ng sarili mo? Masaya ang lahat ng naexperience ko, at ito ang humubog sa bagong arman na nagsusulat ngayon ng librong katawa-tawa, nasasaiyo na kung may kwenta o wala. Ako naman ang magtatanong, bakit ka matanong?

Tuesday, November 16, 2010

Gusto mo ba ng habang nagpapahinga??..! Chapter 4


Ano ba ang habang nagpapahinga? At bakit ito ang pinaka ok alright sa mga seminarista? Alam mo ba kung ilang beses mangaanak si dada sa isang taon? Ang terminong ito ay nabuo sa pamamagitan ng isang rector o dean na masipag at masinop pagdating sa kalinisan ng seminaryo. Bawal ang tumunganga lang sa trabaho. Pero ano ang kaugnayan ng habang nagpapahinga? Ito ang halimbawa base sa utos ng aming rector: O wala kang ginagawa? Magwalis ka muna ng buong centennial building “habang nagpapahinga”. Ang saya diba, astig? Ito ang salitang madalas marinig ng bawat seminarista. Kapag lumalapit na si rector, nagkakandaugaga na ang mga seminarista, hindi sa pagtatrabaho, kundi sa pagtakbo at pagiisip kung paano makakaiwas sa salitang pamatay. Parang sa special force pa nga ang bira ni rector minsan, multi kill, maramihan. Ang mga bagay at salita ni rector ay madalas nagaganap sa work details pero ang mas grabe sa general cleaning, kasi always join si rector sa aming pagtratrabaho. Talagang bilib ako kay rector kasi ang sipag niya. Meron kayang ibang dean ng seminaryo na kayang ibaba ang sarili niya, at sumamang maglinis sa mga seminarista? Sa pang araw-araw na buhay naman, ang bawat seminarista ay mayroong nakatalagang Gawain kada isang linggo na lilinisan mo, maaring mapunta ka sa simbahan, sa C.R, sa grounds, sa staff house, sa centennial building, sa hallways, acts force at ang masaklap na gawain, dishwasher at cook (ito ang pinaka-ayaw kong gawain) kung may hindi pa ako nalista, itanong nyo na lang sa house master. Eto pa ang ibang magic words ng aming rector: “Padamay naman” ito ay sinasabi niya kapag gusto niyang dagdagan ang una mong gawain, tiyak kapag ito ang narinig mo, pawisan kang babalik sa dorm pagkatapos. Meron pa “abangan ang susunod na kabanata”, kayo na lamang ang bahalang mag-isip kung saan ito ginagamit ni rector. Masaya maglinis, kasi may iba’t-ibang mukha kang makikita, ito ang katawagan: “plot ups” ito ang tawag sa mga seminaristang walang reaksyon pag naglilinis, parang walang pakealam kung magiba ang centennial o ang simbahan, basta siya naglilinis. “joker” ito naman ang taong mahilig magpatawa at tumawa habang naglilinis, mas marami pa ata ang naitawa ng taong ito kesa sa nalinis nyang kalat. “blood pressure” ang tawag sa taong laging high blood, un bang tipong laging parang walang ginagawa ang kasama niya, madalas parang bossing umasta ang taong ito, tila may problema sa puso, nasosobrahan ata sa dugo. Minsan nga susubukan kong dalhin ang ganitong seminarista sa red cross, o diba nakatulong pa. “etchusera/etchusero” iba naman ang trip nitong mga taong ito, gusto nila laging kwentuhan muna bago magtrabaho, mas malaki pa ang oras na tinambay nila para makipagkwentuhan kesa sa nagawa nilang trabaho. At pagalis nila sa kinauupuan nila, sigurado magprito na tayo ng itlog. “Eskapology” ang tawag sa taong mahilig mageskapo o tumakas sa trabaho, hindi pa tapos ang gawain, nalarga na pauwi, syempre may baong palusot ang taong ito para makaligtas sa galit ng mga tinakasan niya. “Rizalista” ang taong nagpapakabayani, naglilinis sa mga lugar na hindi niya sakop, at huli kung umalis sa gawain, un nga lang pag nainis na sa kasama ang taong ito dahil siya lagi ang naiiwan, magiging escapology na din siya bandang huli. “lawyer” ang seminaristang ayaw malamangan, gusto laging pantay ang trabaho, at kung hindi naging pantay, lintik lang ang walang ganti, babawian niya ang kanyang mga kasama sa susunod na paglilinis, mauuwi din sa escapology ang taong ito. “boy logtu” tawag sa seminaristang late sa trabaho dahil nasosobrahan lagi sa pagtulog. “Commander in chief” ito naman ung seminaristang panay ang utos sa kanyang kasama, na parang ang pagod nya na lamang eh ung boses na ginagamit sa pag-uutos. “H1N1” ang tawag sa seminaristang laging nagkakasakit kapag general cleaning na. mahusay ang taong ito, sa sobrang husay niya, kaya niyang diktahan ang sarili niya kung kalian siya magkakasakit, at ito pa ang matindi, parang doctor din siya, dahil alam niya kaagad ang kanyang sakit kahit walang matatawag na totoong sintomas. “ulirang seminarista” ito naman ang taong aktibo sa mga details, walang sablay, ni minsan hindi tinamad sa paglilinis, walang pinipiling trabaho at oras kung kalian ito gagawin at hindi dinadahilan ang karamdaman sa lahat ng gawain, dahil ayaw niyang manlamang; mabuting halimbawa siya sa lahat. Sa kasamaang palad, wala pang ganito sa seminaryo.  Sa kabila ng ganitong kalagayan, wala mang perpektong seminarista sa aming lahat, nagsusumikap pa rin kaming ibigay ang lahat ng aming kakayahan upang mapaganda, mapaunlad at maging malinis ang seminaryo, ito man ay sa iba’t-ibang paraan at pagkakataon, ang tanging mahalaga, iisa ang aming layunin, ang mapabuti ang seminaryo. Sa aming pagtatapos, ang baguhin naman ang lipunan at ang bawat mananampalataya ng iglesya. Mahirap man, magulo, sakit sa ulo, pasaway o kung ano-ano pang katawagan ang taglay-taglay ng bawat isa, ang importante ay natuto kami sa mga bagay na ito, sa bawat pagkakamali na aming itinatama at matututo pa, upang mahubog sa pagsisilbi sa mas malawak pang sambayanan. Lalong-lalo na sa mga pilipinong nangangailangan ng tulad namin.

Saturday, November 6, 2010

Makibalita ka muna sa aming mga seminarista!^_^ "Chapter 1"


Anong madalas problemahin ng mga seminarista? May problema din pala sa seminaryo? Bakit makulit ang lamok? Kawalan ng allowance, ang kadalasang problema ng mga tao sa seminaryo. Kung wala kang pera, siguradong kasama ka naming nanonood at naghihintay sa latest episode ng hitman reborn sa Hero TV pagbreak-time o di kaya tulog ang diwa mo, nakanganga, tulo laway o laglag ang pustiso habang nagpapahinga sa kwarto. Ito ang mga palusot sa nagdadabog na sikmura, pilit pinapasaya ang sarili sa pinapanood o sa pagtulog. Ako, hindi nabago sa akin ang mga bagay na ito, madalas ko itong naranasan; sa katunayan nga kabilang ako sa fans club ng Hitman reborn (cartoon na naaabutan namin pagbreaktime ng 10:30). Problema man itong maituturing para sa mga seminarista, trahedya, kalunos-lunos na katayuan, o kung ano pang katawagan; kailangang magpatuloy sa pagakda ng bagong istorya ng buhay sa seminaryo. Ang tanging nagbibigay na lang ng pag-asa sa akin ay ang salitang “God provides” na nasasabi ko kapag ang buslo ay malapit na sa akin twing misa. Nasasabi ko kapag nanghihingi ako ng kape tuwing gabi sa kapwa ko seminarista; kapag hindi makabayad sa xerox na inutang sa opisina, kapag nagpaalala na si Padre Terry tungkol sa tuition fee (halatang problemado na din sa utang ng mga seminarista at maniningil na), at kapag gusto kong umutang ng libro sa opisina ngunit kinakabahan sa salitang tatamasahin kay ate Tina. Sabi nga “kung may tyaga may adobo”, nakakaumay na kasi ang nilaga. “Kumatok at ika’y pagbubuksan”, un eh kung papanay-panayin mo lang ang katok at sasabayan pa ito ng door bell para mas cool! Ang Diyos ay palaging may tugon sa bawat daing natin, at karanasan ko na ito. Yun nga lang, sa aking parte, maiuugnay ko ang tugon ng Diyos sa akin kay white ranger, na kaalyado ng iba pang mga power rangers, na dumadating sa pagkakataon ng kagipitan. Kapag ang puso nila red, black, yellow, pink at blue ranger ay halos unti-unti ng tumitigil sa pagtibok, kapag ang kanilang lalamunan ay malapit na nilang malunok at kapag ang kanilang Adam’s apple (pero wala nito si pink at yellow) ay nagtago na sa sulok. Pero gayun pa man ang pinakamahalaga ay dumating siya para tumulong upang tapusin ang naglalakihang kulisap, ipis, alimango, timbabalak, alikabok at iba pa. Yun nga lang may pagkaKSP at napakapaimportante ng ranger na ito na kung minsan ay nabubugnot na ang mga kasama. Gayundin naman, asahan mong ang Diyos ay darating at magkakaloob ng tulong sa iyo, at hindi siya katulad ni Mang Jose na parang si Daimos din daw na pagkatapos kang tulungan ay sisingilin ka. Mas maaga man ang tulong ng Diyos, sakto lang sa pangangailangan o mas late pa ng ilang oras sa kartero ng munisipyo, isa lang ang lesson ko dito, matuto kang maghintay; at kung gagawin mo ito sinisigurado ko sa iyong mapapatunayan mo ang sinasabi kong “God provides”.

Sino ba si Paeng?? "chapter3"


Sino nga ba si Paeng Gulgulangot? At ano ang kinalaman niya sa mga buhay ng mga seminarista? Seminarista ba siya? Bakit tinawag na milk fish ang bangus? Nagagatasan ba ito? At kung oo, saan banda? At kung hindi bakit ginawa nilang katawatawa ang pangalan ng bangus? Si Paeng ay isinilang sa hindi malamang panahon at pagkakataon. Ang kanyang ama ay isang driver ng padyak at ang kanyang ina ay mayroong tindahan ng gulay sa kanilang eskenita. Hindi mahirap sila Paeng, ngunit nasa bingit na sila. Masipag si Paeng at matulungin. Pagkagaling niya ng eskwela, siya ay maagang nauwi upang tulungan ang kanyang ina sa paglalako ng paninda. Siya ay nakatapos sa isang hamak na elementarya sa kanilang lugar, at hamak ding secondarya. Sa kaniyang patuloy na pagsusumikap sa buhay, umunlad ng kaunti ang kanilang buhay. Kahit na sila ay nasa maayos na estado na ng pamumuhay, hindi niya nakakalimutang tumulong sa mahihirap. Sa katunayan, siya ay ginawaran ng iba’t-ibang parangal: nariyan ang Gawad Kalinga Award dahil sa siya ay mahilig mag-ampon ng mga batang palaboy sa kalye. Siya rin ay People’s Choice Awardee dahil siya ang takbuhan ng mga dukha, walang makain, walang hanap-buhay, mga pulube, mga walang matirhan at walang maisuot; mga taong ang tanging “Choice” na lang eh lumapit sa kanya para mabuhay. Siya din ay ginawaran ng Gawad Kalikasan award, dahil sa tuwing aalis ng bahay ang taong ito ay mahilig mamulot ng kalat na makikita niya sa daan, halos wala na tuloy pakinabang ang metro aid sa kanyang ginagawa. At ang Ulirang Ama award kahit hindi pa naman siya Ama, at wala pa siyang anak. Ito ay dahil nagsilbi na siyang ama ng mga kabatan sa kanilang lugar. Sa pagnanais niyang makapagsilbi sa mas malawak na sambayanan, siya ay tumakbo bilang alkalde ng lugar at nakalaban niya sa posisyon ang gwapo, maimpluwensya, mayaman at gwapo uli na si Arman Pingas. Ang taong ito ay dating matulungin at may pagmamahal sa bayan, ngunit naging sakim din kinalaunan; nilamon siya ng salapi hinuthot sa bayan at kapangyarihan na kaakibat ng posisyon sa lipunan bilang bise-alkalde. Dahil sa mga taong natulungan ni Paeng at mga taong nais ding humingi ng tulong kay Paeng, siya ay nanalo bilang alkalde. Sa kabila ng kapangyarihang taglay, hindi nagbago itong si Paeng, mas lalo siyang naging matulungin at masipag. Ipinaayos niya ang mga baku-bakong daan, pati bakong mukha ng tao ay ipinaayos nya rin (naging big time sa panahong ito si Dra. Belo). Sari-saring medical mission, outreach program at iba’t-ibang mga programang makatutulong sa mga mahihirap. Sa lahat ng kanyang ginawa, ni isa man sa mga ito ay hindi niya ipinagmayabang na siya ang may pakana. Ika niya: alam ng tao kung nakilos ka o hindi, may-isip ang taong gutom, at may pananaw ang taong hirap. Iisa lang ang mithiin ni Paeng, ang umunlad ang bansang Pilipinas, makapaghanap-buhay ang lahat ng Pilipino, magkabahay ang mga natutulog sa kalsada at ilalim ng tulay, magkaroon ng masaganang buhay ang lahat at makapagaral ang bawat bata. Maraming nagawa si Paeng para sa kanilang lugar, ngunit kung ikukumpara ito sa nagnanaknakang sakit ng ating bayan, panandaliang pananggal kirot lamang ang mga ito, dahil siya lamang ang naghahanap ng gamut. Mas maraming tao ang nagiging sanhi ng sugat, ikaw ano ka? Sa dami ng problema, hindi siya nawawalan ng pag-asa na magbabago din ang bansa, at hindi din siya tumitigil sa pagbibigay nito sa mga nawawalan. Si Paeng ay mabuting tao, pero ang kamatayan ay sadyang dumarating sa lahat. Nang siya ay nasa kanyang opisina upang magpahinga sa katatapos nilang out reach program sa isang baranggay na kanyang nasasakupan., siya ay nakagat ng langgam at siya ay namatay. Hindi namatay si Paeng dahil sa langgam gaya ng iniisip mo ngayon, ito ay dahil sa sobrang pagod, at sa pagkagulat niya sa langgam na kumagat sa kanya, siya ay nastroke, at presto! dedbol sya! Dito nagwakas ang buhay niya, kasamang nailibing sa kanyang hukay ang mga pangarap niya para sa Pilipinas. Sa pagkat wala ng Bagong Paeng, libo-libong kurakot na tao na lamang ang naiwan. Ito na lamang ang natira sa Pilipinas, mga taong ang hangad lamang ay busugin ang sarili nilang mga tiyan. Ito na lamang ang natira sa Pilipinas, mga taong bulag na magbubulag-bulagan pa, mga taong bingi na magbibing-binghan pa para pagtakpan ang kapalaluan ng mga naghaharing uri sa bansa, para sa kanilang kasaganahan at kapayapaang dulot ng pagsasawalang-bahala. Ito na lamang ang natira sa Pilipinas, mga taong nanggagamit at nagpapagamit upang pagpasasaan ang yaman ng bansa. Ito na lamang ang natira sa Pilipinas, mga mukhang kalunos-lunos ang kalagayan, mga dukhang patuloy na naghihirap, mga batang lulong sa droga, mga taong hindi na masasabing buhay dahil sa paghihirap na nararanasan. Kung patay na si Paeng, sino ang sumulat nito at ng iba pang akdang nakapangalan sa kanya? Walang iba kundi ako, si Arman Pingas. Isang taong nabago ng mga gawa, pananalita at pamumuhay ni Paeng. Isaang taong dati napariwara, ngunit ngayo’y handang sumunod sa yapak ni Paeng na baguhin ang bansa. Gagawin ko ito sa pamamagitan ng aking mga panulat, gamit ang pangalan ng aking tinangkilik na si Paeng. Paeng o Arman, wala naman sa pangalan yan, tawagin nyo ako kung saan kayo Masaya. Gigisingin ko ang puso’t damdamin ng bawat makakabasa ng aking akda, gigisingin ko kayo upang maging kayo ay sumama, at sama-sama nating bubuuin ang pagbabago, bagay na hindi ginawa ni Paeng, mahilig kasing magsolo. Hindi mahalaga kung nagkamali ka noon, ang mahalaga matuto kang bumangon ngayon habang hindi pa huli. Hindi mahalaga kung ano ang estado mo sa buhay, sa bawat simleng magagawa mong pagbabago at pagkilos, malaki ang magiging kapalit nito. Gawin mo kung ano ang kaya mo, at alam mong makakatulong sa kapwa mo Pilipino. Hindi usapin dito ang laki o liit ng iyong ginawa, ang mahalaga ay kung paano ka naghangad at gumampan ng para sa ikabubuti ng bansa sa kahit anong paraang alam mo. Gumising kana, matagal na tayong natulog sa banig ng pagsasawalang kibo. Buhayin natin si Paeng, gisingin na natin siya sa pamamagitan mo, sa pamamagitan ko, sapamamagitan nating lahat. Buhayin natin ang taong minsang naghangad ng pagbabago, ang taong nagsusumikap para sa tao, ang taong kumakalinga sa mga tao, ang taong naging inspirasyon ko at ang taong imahinasyon ng isip ko na maging kahalintulad ng bawat Pilipino.

Huwag basahin!! Magagalit si Paeng!?! "chapter 2"


Alam kong umaga nanaman. Sapagkat sa aking kwarto, ay dinig ko na ang boses ng isang seminarista na ang bunganga ay mistulang alarm clock ng lahat; sa ingay parang siya ang nagcacall-time, magwoworship na kasi. Ang ingay nya eh ung tipong kunsumisyon na ang dating, na sa inaraw-araw, inoras-oras, kada minuto, at bawat Segundo na ginawa ng Diyos ay walang libang maririnig mo ang ingay ng taong ito. Tawagin na lamang natin siya sa pangalang mahadera. Sa ganitong kabwisitan kadalasang nagsisimula ang buhay dito sa seminaryo. Jokes ang bumubuhay sa mga seminaristang nahohome sick, buraot sa papers, gusto ng umuwi, walang salapi at iba pang kadahilanang pagtawa lang ang nakikitang solusyon. Pagsamantalang napaparalisa ang problema, dalangin nga ng iba habang Buhay na sana; pero isa lang ang mahalaga, Masaya ang bawat isa. Pagkatapos ng worship, almusal, sa work details, sa pila sa C.R, at sa bawat araw bida si tawa, walang exempted na oras sa paghalakhak na nagiging sanhi ng ligaya ng mga seminarista at pwersadong ubo at duwal ng mga may hika. Sa bawat tawanan, hindi laging kumpleto, kanya-kanyang umpukan ang trip dito, isang pagkakataon lang naman ang nakakapag-isa sa amin na tumawa ng sama-sama, un eh pag “brown-out”.  Masaya sa ganitong pagkakataon, kanya-kanya man ng trip pero sama-sama kaming nagbabasagan ng panga sa katatawa sa iisang lugar, sa patio. May nagpapaCrip walk! Crip walk! Pa kwik-kwak! Kwik-kwak na parang payaso lang sa karnabal ni Mang Kepweng. May nagkakantahan, kanya-kanyang style ng pagtawa, ang mahirap lang eh ung may kasamang masang-sang na amoy pag nasobrahan sa pagtawa. May patawag-tawag pa, parang may kukuning cargo sa barkong Princess of the Star, pero ang mahalaga buo kami at sama-samang pinagsasaluhan ang gabi ng kalokohan at tawanan. Kung titignan, madalas ganito din tayo. Aantayin pa nating sumapit ang dilim sa Buhay natin bago natin makita na ang Diyos ay laging may handang liwanag para sa atin. Para tayong cleaners na 3rd yr seminarian, na nakita na ang dumi sa chalkboard, dedma pa rin sa pag-asang makakaligtas siya sa pamamagitan ng handang palusot na: “naglinis na ako” dahil maaga siyang nagpunta, pero kitang-kita naman ang mga abo ng chalk na magiging sanhi ng pagbahing ni Mommy Fe (teacher namin sa biblical studies) hanggang sa Matapos ang klase. Ang Diyos at may handog na liwanag, ngunit mas inibig pa natin ang dilim. Patuloy ka Niyang tinatawag, alam Niyang nakikita mo Siya. Hinaharangan lang tayo ng mga makamundong bagay na tanging sa dilim lang makikita, at sa paghahangad natin ng labis ng mga ito, ang nagiging kapalit ay kapahamakan ng iba. Mga musmos na bata sa kalsada, may bangag sa droga, mga magsasakang walang sariling lupa, mga manggagawang nangangamba sa tanggalan Pagkatapos ng anim na buwan na kontrata, mga kapwa mo Pilipino na lubog sa hirap, walang makain, walang maipaaral sa mga anak, walang dangal, walang buhay na matatawag. Sa paghahangad ng tao na makamit ang gusto niya, handa niyang isakripisyo ang buhay ng mga tao ring kagaya niya, isinasantabi ang damdamin ng iba. Gaya mo, bawal basahin ang sabi ng may akda pero ginawa mo pa rin. Pano kaya kung magalit ako sa iyo? Pero joke lang un. Smile ka muna para cool! “Sa Simpleng pagbabago at pagkilos na iyong magagawa maraming buhay ang maisasalba. Sa Simpleng kasakiman na iyong malilikha, maraming buhay ang mawawala.”