Saturday, November 6, 2010

Sino ba si Paeng?? "chapter3"


Sino nga ba si Paeng Gulgulangot? At ano ang kinalaman niya sa mga buhay ng mga seminarista? Seminarista ba siya? Bakit tinawag na milk fish ang bangus? Nagagatasan ba ito? At kung oo, saan banda? At kung hindi bakit ginawa nilang katawatawa ang pangalan ng bangus? Si Paeng ay isinilang sa hindi malamang panahon at pagkakataon. Ang kanyang ama ay isang driver ng padyak at ang kanyang ina ay mayroong tindahan ng gulay sa kanilang eskenita. Hindi mahirap sila Paeng, ngunit nasa bingit na sila. Masipag si Paeng at matulungin. Pagkagaling niya ng eskwela, siya ay maagang nauwi upang tulungan ang kanyang ina sa paglalako ng paninda. Siya ay nakatapos sa isang hamak na elementarya sa kanilang lugar, at hamak ding secondarya. Sa kaniyang patuloy na pagsusumikap sa buhay, umunlad ng kaunti ang kanilang buhay. Kahit na sila ay nasa maayos na estado na ng pamumuhay, hindi niya nakakalimutang tumulong sa mahihirap. Sa katunayan, siya ay ginawaran ng iba’t-ibang parangal: nariyan ang Gawad Kalinga Award dahil sa siya ay mahilig mag-ampon ng mga batang palaboy sa kalye. Siya rin ay People’s Choice Awardee dahil siya ang takbuhan ng mga dukha, walang makain, walang hanap-buhay, mga pulube, mga walang matirhan at walang maisuot; mga taong ang tanging “Choice” na lang eh lumapit sa kanya para mabuhay. Siya din ay ginawaran ng Gawad Kalikasan award, dahil sa tuwing aalis ng bahay ang taong ito ay mahilig mamulot ng kalat na makikita niya sa daan, halos wala na tuloy pakinabang ang metro aid sa kanyang ginagawa. At ang Ulirang Ama award kahit hindi pa naman siya Ama, at wala pa siyang anak. Ito ay dahil nagsilbi na siyang ama ng mga kabatan sa kanilang lugar. Sa pagnanais niyang makapagsilbi sa mas malawak na sambayanan, siya ay tumakbo bilang alkalde ng lugar at nakalaban niya sa posisyon ang gwapo, maimpluwensya, mayaman at gwapo uli na si Arman Pingas. Ang taong ito ay dating matulungin at may pagmamahal sa bayan, ngunit naging sakim din kinalaunan; nilamon siya ng salapi hinuthot sa bayan at kapangyarihan na kaakibat ng posisyon sa lipunan bilang bise-alkalde. Dahil sa mga taong natulungan ni Paeng at mga taong nais ding humingi ng tulong kay Paeng, siya ay nanalo bilang alkalde. Sa kabila ng kapangyarihang taglay, hindi nagbago itong si Paeng, mas lalo siyang naging matulungin at masipag. Ipinaayos niya ang mga baku-bakong daan, pati bakong mukha ng tao ay ipinaayos nya rin (naging big time sa panahong ito si Dra. Belo). Sari-saring medical mission, outreach program at iba’t-ibang mga programang makatutulong sa mga mahihirap. Sa lahat ng kanyang ginawa, ni isa man sa mga ito ay hindi niya ipinagmayabang na siya ang may pakana. Ika niya: alam ng tao kung nakilos ka o hindi, may-isip ang taong gutom, at may pananaw ang taong hirap. Iisa lang ang mithiin ni Paeng, ang umunlad ang bansang Pilipinas, makapaghanap-buhay ang lahat ng Pilipino, magkabahay ang mga natutulog sa kalsada at ilalim ng tulay, magkaroon ng masaganang buhay ang lahat at makapagaral ang bawat bata. Maraming nagawa si Paeng para sa kanilang lugar, ngunit kung ikukumpara ito sa nagnanaknakang sakit ng ating bayan, panandaliang pananggal kirot lamang ang mga ito, dahil siya lamang ang naghahanap ng gamut. Mas maraming tao ang nagiging sanhi ng sugat, ikaw ano ka? Sa dami ng problema, hindi siya nawawalan ng pag-asa na magbabago din ang bansa, at hindi din siya tumitigil sa pagbibigay nito sa mga nawawalan. Si Paeng ay mabuting tao, pero ang kamatayan ay sadyang dumarating sa lahat. Nang siya ay nasa kanyang opisina upang magpahinga sa katatapos nilang out reach program sa isang baranggay na kanyang nasasakupan., siya ay nakagat ng langgam at siya ay namatay. Hindi namatay si Paeng dahil sa langgam gaya ng iniisip mo ngayon, ito ay dahil sa sobrang pagod, at sa pagkagulat niya sa langgam na kumagat sa kanya, siya ay nastroke, at presto! dedbol sya! Dito nagwakas ang buhay niya, kasamang nailibing sa kanyang hukay ang mga pangarap niya para sa Pilipinas. Sa pagkat wala ng Bagong Paeng, libo-libong kurakot na tao na lamang ang naiwan. Ito na lamang ang natira sa Pilipinas, mga taong ang hangad lamang ay busugin ang sarili nilang mga tiyan. Ito na lamang ang natira sa Pilipinas, mga taong bulag na magbubulag-bulagan pa, mga taong bingi na magbibing-binghan pa para pagtakpan ang kapalaluan ng mga naghaharing uri sa bansa, para sa kanilang kasaganahan at kapayapaang dulot ng pagsasawalang-bahala. Ito na lamang ang natira sa Pilipinas, mga taong nanggagamit at nagpapagamit upang pagpasasaan ang yaman ng bansa. Ito na lamang ang natira sa Pilipinas, mga mukhang kalunos-lunos ang kalagayan, mga dukhang patuloy na naghihirap, mga batang lulong sa droga, mga taong hindi na masasabing buhay dahil sa paghihirap na nararanasan. Kung patay na si Paeng, sino ang sumulat nito at ng iba pang akdang nakapangalan sa kanya? Walang iba kundi ako, si Arman Pingas. Isang taong nabago ng mga gawa, pananalita at pamumuhay ni Paeng. Isaang taong dati napariwara, ngunit ngayo’y handang sumunod sa yapak ni Paeng na baguhin ang bansa. Gagawin ko ito sa pamamagitan ng aking mga panulat, gamit ang pangalan ng aking tinangkilik na si Paeng. Paeng o Arman, wala naman sa pangalan yan, tawagin nyo ako kung saan kayo Masaya. Gigisingin ko ang puso’t damdamin ng bawat makakabasa ng aking akda, gigisingin ko kayo upang maging kayo ay sumama, at sama-sama nating bubuuin ang pagbabago, bagay na hindi ginawa ni Paeng, mahilig kasing magsolo. Hindi mahalaga kung nagkamali ka noon, ang mahalaga matuto kang bumangon ngayon habang hindi pa huli. Hindi mahalaga kung ano ang estado mo sa buhay, sa bawat simleng magagawa mong pagbabago at pagkilos, malaki ang magiging kapalit nito. Gawin mo kung ano ang kaya mo, at alam mong makakatulong sa kapwa mo Pilipino. Hindi usapin dito ang laki o liit ng iyong ginawa, ang mahalaga ay kung paano ka naghangad at gumampan ng para sa ikabubuti ng bansa sa kahit anong paraang alam mo. Gumising kana, matagal na tayong natulog sa banig ng pagsasawalang kibo. Buhayin natin si Paeng, gisingin na natin siya sa pamamagitan mo, sa pamamagitan ko, sapamamagitan nating lahat. Buhayin natin ang taong minsang naghangad ng pagbabago, ang taong nagsusumikap para sa tao, ang taong kumakalinga sa mga tao, ang taong naging inspirasyon ko at ang taong imahinasyon ng isip ko na maging kahalintulad ng bawat Pilipino.

No comments:

Post a Comment