Saturday, January 8, 2011

Cook…!?.?! Chapter 7

Bakit ayaw magluto ng sumulat nito? Bakit Masaya siya sa pagobserba sa mga nagluluto? Masaya ba silang panoorin? Sino ba ang kapit-bahay ni lapu-lapu? Kung alam mo bakit hindi ka nagtangkang maging historian? At kung hindi mo naman alam, hindi ko na pagtatakhan un, kasi wala pa akong nabasa na nagchika ng ganun. Ito ang pinaka ayaw kong trabaho dito sa seminaryo, bukod sa maaga ang gising, napakaraming trabaho at ito ang trabaho na madalas maging tampulan ng kantyawan at kahihiyan. At ang pinaka matindi kong dahilan, hindi ako marunong magluto ng ulam…secret lang natin to huh?? Napapaisip din ako kung minsan, bakit may iba naman sa amin na ang hilig talaga ay ang pagluluto, at meron ding kagaya ko na sinaing na nga lang ang alam lutuin sablay pa. Ito naman ang mga uri ng luto sa sinaing na maari ninyong gayahin o maging inspirasyon kung ibig din ninyong tumanggap ng kahihiyan. Talagang magagaling ang mga seminarista, dahil naisip nila ang mga ganitong klase ng mga luto sa sinaing, at eto ang mga katawagan sa mga sinaing ng mga seminarista. Una, “super crunch” eto ang pinakamatinding luto sa sinaing para sa akin, dahil kapag nagawa mo ang pambihirang lutong ito, tiyak bida ka sa lahat ng mga semirarista. Isang araw mong pagdudusahan ang ginawa mong kalagim-lagim. Ang lutong ito sa sinaing ay ung pinagsamang konting kanin at sandamukal na bigas, in short hilaw. Astig diba, parang milk serial. Ito ang pinaka-matindi dahil tiyak, gutom ang mga seminarista, dahil walang mapapakinabangan sa sinaing na ito. At ang pamatay ay pag ginawa itong sinaing na super crunch sa umaga, tiyak maghihimagsik ang buong sambayanan. Pero isa lang ang maganda kapag nagawa mo ang super crunch, sikat ka sa lahat ng seminarista. Kung sa kanta sabi ako ang reyna ng gabi, kapag nagawa mo ang super crunch, ikaw ang magiging reyna ng buong araw, un lang puro sakit sa kalooban mo ang magiging  papuri sayo. Suggested name para sa gumawa ng super crunch: “super strength”. Parallel film: “alamat ng coco crunch”. Ikalawa sa listahan ay ang “Mud of Destruction o sa terminong Pilipino, Malata-eh” ito naman ang tawag sa sinaing na nagmukhang lugaw ang dating, ung kung tawagin ay malata (madalas ito ang itsura ng luto ko). Para sa akin, medyo ok lang ang lutong ito dahil makakain pa naman ang kanin, hindi kagaya sa super crunch na walang mapapakinabangan, pero suhestyon ko lang ito. Ang problema lang, siguradong maghapong dalahin ito ng mga seminatista, dahil mabigat sa tiyan ang malata. Walang reaksyon ang mga seminarista sa taong nakapagluto ng ganito, malamang, dahil nabubulunan sila. Yes ligtas ako! Suggested name: “mud man”. Parallel film: “nang mahulog si Etoy sa kumunoy”. Ang ikatlo ay “black hole”, ito naman ang tawag sa sinaing na sunog. Eto ay isa sa pinakamalupit sa paningin ng mga seminarista, mahirap mapatawad ang taong gumawa nito. Ipako sa krus ang penalty, pero joke lang un. Madalas ang gumagawa nito ay maagang napuntang palengke, maagang nakain tapos matutulog na lang sa kwarto o di kaya, kung brave heart ang taong ito na tanggapin ang mapanlait na mga bibig ng mga seminarista, kakaen siya kasama ang community, pasado siya sa alpha phi kapalmuks pag ganun. Suggested name: “the African”. Parallel story: “ang umagang nagmukhang gabi ng lagim”. Ang ikaapat ay kung tawagin ay “double murder”. Ito naman ang saing na ang sa kabilang side ay hilaw, at sa kabila naman ay malata. Convincing at Amazing! Bibihira ang may talentong gumawa ng ganitong obra maestra, pero siguradong yari siya! (alam ko to dahil nagawa ko na ang ganitong saing noon, hindi na ako pumasok sa eskwela, hindi ako nakakain,  masyado kong dinamdam ang mga nangyari, parang gusto ko ng wakasan ang aking buhay……Acting lang! mag bio-gesic, safe to! Kahit walang laman ang tiyan. Ingat!). Pero ang kaigihan naman sa ganitong luto, may nakakain pa rin, un nga lang lugaw ang itsura, at ang kalahati, ididispatsa na. sayang. Suggested name: “balimbing”. Parallel film: “sumablay sa kaliwa, binawian sa kanan, ang kinalabasan, karimlan”. At ang huli ay ang “the restaurant”. Ito ang perpektong sinaing. Eto ang madalas magawa ng mga seminarista, ikaw ba naman ilang taon mong gagawin hindi mo pa mapeperfect? Pero isa ako sa hindi makaperfect kahit maatagal na ako sa seminaryo. Chamba-chamba lang kapag nakaperfect ako. Suggested name: “solar hands”. Parallel story: Cooking Water Boy”. (Hint: matatagpuan ang mga parallel films sa website na “w.w.w. Uto-Utongmambabasa.com.ph”). Pero kahit ganon pa man, para sa akin mas maige na ang sablay, kasi Masaya ang lahat, kahit ang naging sanhi ng delubyo, happy din naman. Tsaka, mukhang mas sanay na ang aming tiyan sa mga sablay na sinaing eh. Isa lang ang lesson ko ngayon. Maging kuntento sa kung ano ang meron ka. Pangit, maganda o hindi kaaya-aya. Pagyamanin mo lamang ito, at gamitin mo para sa pagsisilbi sa tao. At kung may maaari kang ibahagi, ibahagi mo sa iyong kapwa.

“Kahit lahat sa mundo nabibili, naniniwala pa rin akong may libre pa rin. Pagmamahal. Kapag nawala na sa tao ang pagmamahal, wala ng libre. Isipin mo ang katagang ito, kahit masakit sa ulo.”
Bro. Armando M. Casim

No comments:

Post a Comment