Sunday, January 30, 2011

Dito na ba ito magtatapos? chapter 14

Ang buhay ay parang LIFE
L- “loaded” ng experiences na kakatawa,   kakaiba, kakainis, kakalungkot, kakabwisit at kuano-ano pang kaka.
I- may mga “incident” na susubok sa iyong katatagan, pero isa lang ang mahalaga. Maging matatag ka, at magtiwala ka kay God
F-  “Fear”. Isa lang ang masasabi ko, don’t be afraid, there is no sugar. Haha!!
E- “Entrust” mo and buo mong sarili sa Diyos.
                                                                     Bro. Ramoncito Tadepa

Paano ba yan, dito na natatapos ang aking pagkukwento, pero bago ko ibigay ang huli kong pananalita, magtatanong muna ako. Bakit hindi pinapapasok ang elepante sa eskwelahan? Kung sasabihin mong No pet’s aloud, wala kayang ganung policy sa iskwelahan. At paano nalaman ni Voltes V na robot siya? Sana nakilala ninyo ang seminaryo sa pamamagitan ng maikling pagsasalarawan ko dito. At sana nakilala rin ninyo ang Pilipinas at ang mga tulad ninyong pango at kayumanggi. Sana nakakakita na din kayo, sana nakikilala na ninyo kung sino ang mga nangangailangan sa inyo. Alam kong nakikita na ninyo sila ngayon dahil may kapirasong parte na sila sa utak mo ng mabasa mo ang librong ito, nasasaiyo na lamang kung titignan mo lamang ba sila o kikilos ka para sa kanila. Sana mapansin mo na rin sila, sana hindi ka na katulad namin noon na ang kaya lang tignan ay yung mga bagay at taong makapagpapaginhawa ng aming buhay, hindi ang mga taong dapat naming bigyan ng kaginhawaan ang buhay. Ang aklat na ito ay isinulat hindi lamang para usigin ang kosensya ng bawat makakabasa, dahil nasasainyo pa rin naman ang pagpapasya sa iyong buhay, pero yun ang panawagan ng librong ito. Isinulat din ang librong ito para magsilbing paala-ala sa mga taong gumawa nito. Pagpapaalaala, na ang prinsipyong ito ay minsan naming pinanghawakan, at hindi kami dapat malayo dito. Alam naming darating ang panahon at malilimutan din namin ang mga ediyang naririto kung ito ay hindi naming naisulat, at darating ang panahon, magiging isa na din kami sa mga taong nagbalak ngunit hindi tumapos. Magiging isa na rin kami sa mga taong nilulumot na sa pagaantay ng babago sa kanilang buhay, at hindi naghangad na magbago ng buhay ng iba. Ginawa namin ang librong ito upang maiwasan ang trahedyang nabanggit, ginawa namin ito upang hindi usigin ang aming konsensya sakaling dumating ang araw, na ang anak naman namin ang magtatangkang bumago sa Pilipinas, dahil hindi namin ito nagawa, at wala na kaming ginawa para dito. Hindi din namin matatanggap na dumating ang panahon na mas lumala pa ang mga mukhang dumudurog ng aming mga puso sa panahong ito. Ang aklat na ito ang magpapaalala sa amin na mayroong isang 20 taong gulang na lalaking nag-aaral sa Aglipay Central Theological Seminary, na nandamay pa ng isang kadiocese niyang 18 taong gulang na gumawa ng librong may kakaibang pananaw, daig pang mga super hero kung mag-isip at maghangad ng pagbabago. Libre lang naman ang mangarap eh, pero ang mas maganda kung nangarap ka at kumilos ka para sa katuparan nito. Bagay na siguradong hindi mo pagsisisihan sakaling hindi mo man naisakatuparan. Hindi mahalaga sa amin kung hindi namin mabago ang Pilipinas ngayon, ang mahalaga, may mabagong kaisipan ang librong ito, at kung mangyari iyon, masasabi naming tagumpay pa rin kami. Hindi man namin nabago ang Pilipinas, panatag ang aming kaluluwa na aalis, dala ang aming lapidang may R.I.P. dahil may susunod sa adhikain namin nila Paeng Gulgulangot, akong si Arman Pingas, at T’yo Pot at ng iba pang mga Pilipinong naghahangad din ng pagbabago. Alam kong walang taong manhid, dahil may puso ka at nagtataglay yan ng pag-ibig. Alam kong may konsensya pa ang maraming Pilipino, alam kong may makikialam pa rin, at dahil dito hindi ako nawawalan ng pag-asa, na wala ng magugutom, mawawalan ng tirahan, maghihirap at mawawalan ng buhay sa bansang Pilipinas.  Hangga’t may naghahangad ng pagbabago, hangga’t may naghahangad ng masaganang buhay na tatamasahin ng lahat, hangga’t may nangangarap para sa iba, buhay ang Pilipinas. Babangon din ang bansang natutulog. Hangga’t may tulad ko, tulad mo, tulad ng iba pang may bukas na mata para sa mga dukha, may bagong umagang naghihintay sa bansa. Pero bakit nga ba ako dapat magpahalaga sa aking kapwa? Naitanong mo ba ito sa iyong sarili habang binabasa mo ang librong ito? Isa lang ang magiging kasagutan ko, Pilipino ka, hangga’t nananalaytay sa ugat mo ang dugong kayumangi, yan ay magiging sapat ng dahilan para mahalin mo ang Pilipinas, at ang mga taong niyayakap ng bansang ito. Akala mo kung sino magsalita ang taong ito, walang bukang bibig kundi pagbabago, ano kaya ang sasabihin mo kung makita mo ang mga sumulat ng librong ito? Maniwala ka pa kaya sa hinahangad nilang pagbabago? Si Arman Pingas ay isang taong hagingan ng hindi grumaduate noong highschool, salamat sa lata ng minola na sumagip sa kanya, latang ginawang basurahan sa eskwelahan ang naging dahilan ng pagpanhik niya sa entablado upang kunin ang kanyang diploma. Maliit, payat, gwapo naman.hahaha!!! pero ako ung mukhang walang maidudulot na pagbabago sa bansa. Taong hindi nangarap yumaman, taong ang hangad lamang ay simpleng buhay, simpleng buhay na hindi naman magdudulot sa kanya ng karangyaan, ngunit hindi din naman magdudulot ng pasakit para sa kanyang bayan. Ang taong handang bumago ng buhay ng ibang tao, ngunit ang sariling buhay ay hindi mabago. Ang taong isinilang na mahirap, at malamang mamamatay ding mahirap. Si T’yo Pot naman ay isang taong nagmula sa may kayang pamilya, nakapag-aral sa isang magandang unibersidad, magaling sa ekademya, mahusay sa eskwela, malupit sa aparato, talagang pang world class ang dating. Lalo tuloy akong nagnais na isangla itong si T’yo Pot, para mairelease ang aklat na ito.hahaha!!! matangkad, payat, gwapo din pero mas gwapo ako. Kahit siya ay isang taong wala ng dapat problemahin sa buhay, pinili niyang sumama sa hangad kong pagbabago, pagbabago na prinoproblema na niya ngayon. Mayaman, ngunit ang puso ay para sa mahirap, uy hindi siya kakandidato. Isip bata kung minsan, mukha ring walang magagawang pagbabago; pero saan nga ba ibinabatay kung may magagawa pagbabago ang isang tao? Ito ba ay sa iyong natapos, itsura, pamumuhay, pananamit at sa kung ano-ano pa mang mga bagay? Para sa akin, ang pagbabago ay nababatay sa iyong pananaw. Pananaw na inaayunan ng iyong mithiin, mithiin na iyong patuloy na gagawin, Gawain na patuloy na magdidikta ng pagbabago sa bansa.


BREAKING NEWS!!!
Nagpakilala na ang may akda ng Mga kwentong Barbero sa Seminaryo, mismo sa kanilang libro. Ikaw na lamang ang bahalang humanap sa kanilang pangalan at kung Makita mo sila, at makilala mo sila, paki sabing gumawa uli sila ng mga walang kwentang libro na tulad nito. Ito po si Mike Henry Omaga Diaz, walang kinikilingan, walang prinoprotektahan, serbisyong totoo lamang, at dahil nagcocofee breack din ang mga taga-pagbalita, narito kami 22 Oras. Darna na po!!!..?!

The End!!...??!


No comments:

Post a Comment